Sa Isang Salita: 'Stabat' ni Msgr. Noel
15 September 2022
 
"Stabat Mater." Nakatayo si Maria sa paanan ng Krus doon sa Kalbaryo. Hindi lamang Siya nagmamasid buhat sa malayo. Siya ay karamay ni Hesus sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan. Mabisa at aktibo ang Kanyang presensya. Binatá niya ang hirap at sakit ng kanyang Anak na nakabayubay sa Krus.

Si Maria ay hindi lamang Mater Dolorosa (o Inang Nagdadalamhati). Taglay din niya ang taguring Mater Ecclesiae (o Ina ng Simbahan) sapagkat siya ay kaisa natin sa lahat ng nagaganap sa buhay ng ating Sambayanang Kristiyano.

Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Ina na ating karamay sa "ating pagtangis dito sa lupa, bayang kahapis-hapis."

Ang papel na ginampanan ng Mahal na Birhen sa gawang pagliligtas ng kanyang Anak ang pinakaganap na modelo ng ating misyon bilang Simbahan.

Ang buong ministeryo ng Simbahan ay ministeryo ng pakikiramay. "A Church that is poor is a church that is rich in compassion," ani Jon Sobrino.

"Extra pauperem, nulla salus." (Apart from the poor, there is no salvation.) Tulad ng Mahal na Ina, ang ating misyon ay pumasok sa lugar ng dalamhati at paghihirap upang doon ay kongkretong maranasan ang presensya ng Nagliligtas-na-Diyos sa ating panahon.

*Setyembre 15, Pag-aalaala sa Mahal na Birhen Dolorosa

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN