Sa Isang Salita: 'Balik-Handog' ni Msgr. Noel
09 October 2022
 
May dalawang uri ng tao raw ang mahirap malimutan: una, ang may utang sa atin; ikalawa, ang kinapopootan natin. Pero bakit ang dali nating makalimot sa mga taong nakagawa sa atin ng mabuti?

Sa sampung ketongin na pinagaling ni Hesus, isa lang ang bumalik - Samaritano na isang 'outsider' - para magpasalamat. May kasabihan sa wikang Ingles na, "to think is to thank." Ang pasasalamat ay bumubukal sa puso ng taong marunong mag-isip, magnilay at mag-alaala. Sa bilis ng takbo ng oras at sa dami ng ating gawain, nawawalan na tayo ng panahon para mag-isip. Hindi na tayo nakakaalaalang magpasalamat.

Ang salitang 'gratitude' ay hango sa Latin, 'gratis,' na ang ibig sabihin ay kaloob, 'undeserved gift,' biyaya na hindi inakala. Araw-araw ay nag-uumapaw ang mga pagpapala na tinatanggap natin sa Diyos. Ilang beses kaya tayong bumabalik para maghandog sa Diyos.

Makahulugan ang salitang balik-handog. Ibig sabihin nito'y una na tayong tumanggap mula sa Diyos. Wala tayong pwedeng ialay na maituturing na sariling pag-aari natin. Lahat ay pag-aari ng Diyos. "Mula sa iyo ang lahat ng ito, muli kong handog sa iyo...," sabi ng isang awit.

Iba ang buhay ng taong mapagpasalamat. Ang kasalatan ay hindi hadlang para maging masaya. Ang simpleng pagkain ay nagmimistulang piyesta. Ang dayuhan ay nagiging kaibigan, at ang lahat ng kakulangan ay dagling napupunan.

Tanong: kailan po ba ako titigil sa pagbibigay? Sagot: sa sandaling tumigil ka na rin sa pagtanggap. To thank is to pay forward.

*Ikadalawampu't Walong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN