 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Bantayog' ni Msgr. Noel |
| 13 October 2022 |
| |
|
Bantayog
Ang mga bantayog ay pag-aalaala sa kadakilaan ng mga bayani at martir. Sagrado ang pook na ito. Binabantayan at pinangangalagaan. Ang sirain at bastusin ang mga bantayog ay isang paglapastangan sa simulaing kanilang ipinaglaban.
Subalit mayroong mas masahol na anyo ng kalapastanganan sa alaala ng mga bayani at martir. Ito ay ang kaplastikan: kapag nagbibigay-pugay tayo sa kanilang mga monumento subalit taliwas naman ang ating ginagawa sa kanilang mga adhikain at iniwang halimbawa.
Wika ni Hesus: "Sawimpalad kayo mga pariseo, ipinagpagawa ninyo ng libingan ang mga propeta na ipinapatay ng inyong mga magulang."
Mag-alay man tayo ng maraming bulaklak sa bantayog ng mga bayani, kung tayo naman ay taksil at nagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi totoo ang ating pagpaparangal. Magpagawa man tayo ng sanlibong imahen ng mga Santo, kung taliwas naman ang ating pamumuhay sa iniwan nilang mga aral, huwad ang ating pagpaparangal.
Higit pa sa buhay ang mga pagpapahalagang ipinagtanggol ng mga bayani at martir. Dapat silang parangalan, hindi lang ng mga seremonyas at ritwal, kundi ng ating buhay.
*Huwebes sa Ikadalawampu't Walong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|