 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Makulit' ni Msgr. Noel |
| 16 October 2022 |
| |
|
Hindi masama ang maging makulit sa pananalangin. Isa itong pagpapahayag ng ating simple at tapat na pananalig. Tulad ng bata, tayo ay nanghahawakan sa kagandahang loob ng ating Ama.
Kung ipinagkaloob ng balakyot na hukom sa ebanghelyo ang kahilingan ng babaeng balo dahil sa kakulitan nito, gaano pa kaya ang mga tao na matiyagang nagdarasal? Ang ating Ama sa langit ay hindi lamang makatarungan; siya rin ay puspos ng awa.
May tatlong nagaganap sa atin sa pagiging matiyaga sa pananalangin:
- binabago nito ang ating puso: sa malimit na pananalangin, nahuhubog ang ating puso upang ang ating kagustuhan ay maayon sa kalooban Niya.
- lumalaki ang ating 'buslo': Kung tila nagtatagal ang pagtugon ng Diyos sa ating dasal, marahil ang ating hinahangad ay maliit na bagay lang kung ihahambing sa mas dakilang biyaya na alam ng Diyos na mas angkop sa ating pangangailangan. Pinalalawak ng pananalangin ang ating sisidlan upang higit na maraming pagpapala ang ating matanggap.
- at lumalago tayo sa pagkatao: nagkakaroon tayo ng malalim na relasyon sa pagkikipag-usap. Napapatuon ang ating pansin hindi lamg sa bagay na hinihingi kundi sa Diyos na nagbibigay.
Higit na dakilang biyaya ang nakalaan sa mga mga marunong magtiyaga.
*Ikadalawampu't Siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|