Sa Isang Salita: 'Bayad-Puri' ni Msgr. Noel
30 October 2022
 
Hindi madali ang magbalik-loob. Ang pagbabago ay isang panghabambuhay na proseso. Pinatunayan ito ni Zaqueo nang aminin niya kay Hesus ang kanyang mga kasalanan at akuin ang pananagutang magbayad-puri. Aniya, "kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.”

Lahat ng kasalanan laban sa katarungan ay dapat pagbayaran. Anumang ninakaw, kinupit, dinaya, hiniram o sinira ay dapat isauli o pagbayaran. Sabi nga, "A thing always seeks its owner."

Matapos nating maranasan ang bagsik ng bagyong #PaengPh, magandang pagnilayan ang panawagan ni Papa Francisco tungo sa pagbabagong ekolohikal o "ecological conversion." Ito ay may apat na hakbang:

R-ecognition: kilanlin natin ang ating pagkakasala sa Diyos at sa kalikasan. Hindi tayo naging mabuting katiwala. Inaani natin ngayon ang bunga ng ating pagmamalabis at pagsasawalang-kibo.

R-epentance: magbalik tayo sa Diyos. Ang pagkasira ng kalikasan ay salamin ng pagkasita ng relasyon ng tao sa Diyos. "When God is forgotten, matter is reduced to selfish possession." Ang nagiging layunin na lamang ng ating pag-iral ay pagpapayaman at pagkakamal ng ari-arian kahit na mapinsala ang kalikasan.

R-eform: magbago ng pamumuhay at pagpapahalaga. "Live an essential lifestyle." Dapat masalamin ang pagbabago sa ating mga priorities, sa paraan ng paggasta at sa pagtalikod sa gawing mapanira sa kalikasan.

R-estitution: kulang ang pagsisisi kung walang pagbabayad-puri. Kung tayo ang naging parte ng pagwaldas sa likas na yaman dahil sa ating kapabayaan at pagsasawalang-kibo, may pananagutan tayong bumawi at positibong kumilos tungo sa pagpapanauli ng kaayusang ekolohikal at moral.

Pinanindigan ni Zaqueo ang pagbabago. Dahil dito, dumatal sa kanyang sambahayan ang kaligtasan at kapayapaan. "Opus justitiae pax." Peace is the work of justice.

*Ikatatlumpu't isang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN