Sa Isang Salita: 'Bagong Templo' ni Msgr. Noel
13 November 2022
 
Ilang araw lang matapos gumuho ang lumang simbahan sa Bohol dahil sa malakas na lindol noon, nagtungo ang mga mananampalataya sa harap ng gumuhong gusali upang makiisa sa pagdiriwang ng Lingguhang Misa. Ang sabi nila: "maaring nagiba ng lindol ang aming simbahan, pero hindi kayang igupo ng anumang kalamidad ang aming pananalig."

Sa ebanghelyo, inihayag ni Hesus ang pagkasira ng Templo ng Jerusalem. Sa mga Judio, ito ay halos katumbas ng katapusan ng mundo. Ang kanilang buhay at pananalig bilang isang bayan ay umiinog sa Templo. Sa kanilang paniniwala, ito ang pinakasagradong lugar sapagkat ang Diyos ang doon nananahan.

Ang pagkawasak ng lumang Templo ay hudyat ng pagsisimula ng bagong Templo ng Diyos. "Christ is the new Temple, because in and through Him, God became present to us in a definitive and unsurpassably new way."

Sa binyag at pananalig, tayo ay naging bahagi ni Kristo, at sangkap ng kanyang Katawan, ang Simbahan. Tungkulin nating tumulong sa pagbubuo nito. Sa I Cor. 12, 1-12, inihalintulad ang simbahan sa katawan na may kanya-kanyang gampanin.

Higit na tumitingkad ang presensya ng Diyos sa ating gitna kung uugaliin natin ang pagbabahaginan ng mga kaloob (koinonia) sa ating sambayanan.

“Ubi caritas et amor, Deus ibi est.” Kung nasaan ang pag-ibig at pagmamahal, doon ang Diyos nananahan."

Ikatatlumpu't Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN