 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Bayad-Puri' ni Msgr. Noel |
| 15 November 2022 |
| |
|
May kasabihan sa wikang Latin na, "Opus justitiae pax." Kung nais natin ng kapayapaan, magtrabaho tayo para sa katarungan. Peace is the work of justice. Walang tunay na pakikipagkasundo kung walang hustisya. Walang tunay na pagsisisi kung walang pagbabayad-puri.
Ipinahayag ito ni Zaqueo nang aminin niya kay Hesus ang kanyang mga kasalanan at akuin ang pananagutan sa kanyang nagawan ng masama. Aniya, "kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.”
Lahat ng kasalanan laban sa katarungan ay dapat pagbayaran. Anumang ninakaw, kinupit, dinaya, hiniram o sinira ay dapat isauli o pagbayaran. Sabi nga, "A thing always seeks its owner."
Matapos nating maranasan ang bagsik ng bagyong #PaengPh, magandang pagnilayan ang panawagan ni Papa Francisco tungo sa "ecological conversion" o pagbabagong ekolohikal, na nangangahulugan ng 4R's:
R-ecognition: kilanlin natin ang ating pagkakasala sa Diyos at sa kalikasan. Hindi tayo naging mabuting katiwala. Inaani natin ngayon ang bunga ng ating pagmamalabis at pagsasawalang-kibo.
R-epentance: magbalik tayo sa Diyos. Ang pagkasira ng kalikasan ay salamin ng pagkasira ng relasyon ng tao sa Diyos. "When God is forgotten, matter is reduced to selfish possession." Ang nagiging layunin na lamang ng ating pag-iral ay pagpapayaman at pagkakamal ng ari-arian kahit na mapinsala ang kalikasan.
R-eform: magbago ng pamumuhay at pagpapahalaga. "Live an essential lifestyle." Dapat masalamin ang pagbabago sa ating mga priorities at sa paraan ng paggasta; pag-iwas sa luho at tukso ng konsumerismo.
R-estitution: Kung tayo ang naging parte ng pagwaldas sa likas na yaman dahil sa ating kapabayaan at pagsasawalang-kibo, may pananagutan tayong bumawi at positibong kumilos tungo sa pagpapanauli ng kaayusang ekolohikal at moral.
Pinanindigan ni Zaqueo ang pagbabago. Dahil dito, dumatal sa kanyang sambahayan ang kaligtasan at kapayapaan.
*Martes sa Ikatatlumpu't tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|