Sa Isang Salita: 'Pribilehiyo' ni Msgr. Noel
06 December 2022
 
Ang mga nasa poder ay nasa tamang posisyon para makita ang katatayuan ng mga nasa gilid ng lipunan. Higit na mabigat ang kanilang pananagutan para dumamay. Ito ay dahil tanaw niya "mula sa itaas" ang malaking agwat na naghihiwalay sa mga 'mayroon' at 'wala.'

Ipinakita ito ni Hesus sa larawan ng mabuting pastol. "Iniiwan nito ang siyamnapu't siyam na tupa upang hanapin ang isang nawawala." Nararapat lamang na ang mga namumuno ay may espesyal na pagtatangi sa mga mahihina. Dapat ang "paborito" niyang tulungan ay ang higit na nangangailangan.

Dito umiikot ang istorya ng Pasko. Mula sa lugar ng kaluwalhatian, bumaba ang Diyos sa ating abang kalagayan upang itaas ang dangal ng ating lipi. Tulad ng isang tunay na pastol, naging taong tulad natin ang Diyos upang sagipin ang mga naliligaw.

Tayong nakakabasa ng pagninilay na ito sa facebook - sa iba't ibang paraan - ay nasa lugar ng pribilehiyo. Nawa'y hindi ito maging sanhi ng pagkabulag sa mga nagaganap na katiwalian sa ating paligid. Sa halip, nawa'y magpatalas ito ng ating pandamdam upang bigyang-prioridad ang pangangailangan ng mga aba at napapabayaan. Bokasyon nating maging pastol sa isa't isa.

*Martes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN