 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Metanoia' ni Msgr. Noel |
| 15 December 2022 |
| |
|
Isa sa mga haligi ng Adbiyento si Juan Bautista. Sa buhay at pangangaral, ipinahayag niya ang mabungang paraan ng paghahanda sa pagdating ng Panginoon: pagsisisi. Sa Griego ang katumbas nitong salita ay 'metanoia,' na ang kahulugan ay 'pagbabago ng isip at pananaw.'
Ang taong namumuhay sa kasalanan ay makitid ang isip: nakatuon lang sa sarili at panandaliang aliw na dulot ng mundo.
Sa pagbabalik-loob, lumalawak ang ating pananaw. Nababago ang ating pagtingin sa bagay-bagay sapagkat ang ginagamit natin ay ang 'lente' ng Diyos at pananaw ng pananampalataya.
Sabi ni Stephen Covey, "We see the world not as it is, but as we are - or as we are conditioned to see it." Malaki ang impluensya ng materyalismo sa ating pagtingin sa mundo. Kailangan natin ang radikal na pagbabago ng isip at pananaw upang magawa nating talikdan ang lumang gawi at paraan ng pamumuhay.
Si Juan Bautista ay larawan ng 'metanoia.' Namumuhay siya sa disyerto - tanda ng kanyang pag-angat sa kaalwanan ng daigdig. Matalas ang kanyang panlasa sa mga bagay na maka-Diyos sapagkat malaya ang kanyang puso sa mga bagay na kinahuhumalingan ng mundo.
Sa paghahanda natin sa Pasko, maihanda sana natin ang daraanan ng Panginoon tungo sa ating mga puso.
Katesismo: Sabi ni Santo Tomas, ang pagsisisi ay “paglayo sa bagay at paglapit sa Diyos.” Ibig sabihin, kapag tayo ay nagkakasala, ang ating puso ay nagiging alipin ng bagay at nawawalan ang Diyos ng puwang sa ating buhay. Tuwing tayo ay nagsisisi, pinapanibago natin ang ating pangako noong tayo ay binyagan, ang pagtatakwil sa kasalanan at ang pananampalataya kay Kristo. Sa una, pinapalaya tayo sa mga bagay na umaalipin sa atin; sa ikalawa, pinapatuloy natin si Hesus sa ating buhay.
*Disyembre 15, Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|