Sa Isang Salita: 'Si Jose' ni Msgr. Noel
17 December 2022
 
Mahalaga ang "Oo" o pagsang-ayon sa sinabi ng anghel. Dahil sa kanyang pagsunod, naganap ang plano ng Diyos na isilang ang Mesias mula sa lipi ni Haring David. Sa kanyang pagtalima, si Jose ang nag-ugnay kay Hesus sa maka-haring lipi ni David.

"God created us without us; but he did not redeem us without us." Sa gawang pagliligtas, kailangan ng Diyos ang pakikiisa ng tao. Lumalago lamang ang biyaya sa likas na kabutihang tinataglay ng tao. Tulad ng binhi, ang grasya ang tutubo at mamumunga kapag itinanim sa matabang lupa. Taglay ni Jose ang mga katangiang makatao at maka-Diyos:

J - ust man. "Ayaw ni Jose na mapahiya si Maria." Ang taong matuwid ay walang tinàtalo, inaapi o nilalamangan. Ang katarungan ay paggalang sa dangal ng kapwa.
O - bedient to the law. Ang katumbas na kahulugan ng pagsunod ay 'pakikinig.' Tumalima si Jose. Nakinig siya sa mensahe ng Diyos sa pamamagitan ng anghel. Hindi 'bulag' o pikit-mata ang pagsunod; ito'y nag-uusisa at nagtatanong. Tulad ng pananalig, ito ay naghahanap ng kapaliwanagan: "faith seeking understanding."
S - ilent worker. Kaunti lamang ang bahagi ng ebanghelyo kung saan naroon si Jose. Wala ring binigkas na salita. Subalit malaki ang kanyang ginampanan sa Banal na Mag-anak. Sa katunayan, kinikilala natin siya bilang Redemptoris custos (Guardian of the Redeemer). Sa katahimikan, nagkakaroon ng puwang ang Diyos sa ating buhay. "Silence creates a space for God, an atmosphere for prayer.
E - xemplar. "Viva lectio vita bonorum." The life of good men is a living lesson. Ang ating lipunan ay uhaw sa mga tagapagpatotoo ng kabutihan, katotohanan at katarungan. Ang mabuting tao ang tumutugon sa pagkauhaw na ito. Ang isang mabuting gawa ay mas mabisa kaysa isang libong salita.

Katesismo: Iniangkop ni Papa Francisco ang katangian ni Jose sa pangangalaga sa ating tanging tahanan, ang ating daigdig. Ang kanyang pagtatanggol sa Banal na Pamilya ay isang magandang huwaran ng tamang pangangalaga sa lahat ng nilikha ng Diyos, lalo na sa mga mahihina.

Isa sa mga titulong ibinigay kay Jose ay Custos Redemptoris (guardian of the redeemer). Tulad niya, dapat nating ipagtanggol ang ating ‘tanging tahanan’ sa banta ng mga makabagong Herodes na may masamang tangkang sirain ang kalikasan dahil lamang sa personal na interes at makasariling paghahangad sa kapangyarihan.

Ipinaaalaala ni Papa Francisco: “Kung mahal natin ang Diyos, mamahalin din natin ang lahat ng kanyang mga nilikha.” Akuin natin ang ating pananagutan bilang mabuting katiwala ng daigdig at lahat ng biyayang bigay ng Diyos.

*Disyembre 17, Simbang Gabi

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN