 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Radikal' ni Msgr. Noel |
| 22 December 2022 |
| |
|
Malimit nating ilarawan ang ating Mahal na Ina bilang “matamis at matimtimang birhen.” Sa Magnificat o Awit ni Maria, kakaibang larawan ang ipinapakita ng ebanghelyo. Inilalahad ng kanyang Awit, sa hanay ng mga propetang sumisigaw ng pagbabago, ang radikal na panawagan ng ebanghelyo.
* “Pinaalis niya na walang dala ang mayayaman, binusog ng mabuting bagay ang mga nagugutom.” Taliwas sa idolatriya ng salapi, ito ay panawagan upang hindi iasa ng tao ang kaganapan ng buhay sa pagdami ng ari-arian. Ang makataong pag-unlad ay hindi nasusukat ng materyal na yaman.
* “Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono, itinaas niya ang mga nasa abang kalagayan.” Taliwas sa idolatriya ng kapangyarihan, ito ay paalaala na hindi kaylanman maaring panghawakan ng tao ang anumang kapangyarihang makalupa. Lahat ng ito ay may katapusan. Dapat itong gamitin “upang maglingkod at hindi upang mangbusabos”.
*”Ipinakita niya ang lakas ng Kanyang bisig, pinangalat ang mga may palalong puso.” Taliwas sa idolatriya ng indibidwalismo, inilalantad ng Magnificat ang kahibangan ng panghahawakan sa sariling lakas at talino. Ang ideolohiyang nakasentro sa sarili ang ugat ng dominasyon ng tao sa kapwa at sa kalikasan.
Sa kabuuan, dapat nating pakilusin ang kapangyarihan ng ebanghelyo upang buwagin ang di-makatarungang balangkas ng lipunan. Ibalik ang kaayusang moral sa lipunan sa diwa ng aral ni Kristo.
Katesismo: Ang kabutihan ay hindi lang konseptong nasa isip. Ito ay nagkakaroon ng hubog at anyo sa pasya ng mga tao at balangkas ng lipunan. Sa Second Plenary Council of the Philippines (PCP II), tinawag itong "structures of grace." Ang Diyos ay muling nagkakatawang tao sa maayos na kalakaran at matuwid na sistema. Ang presensya ng Diyos ay nagiging konkreto sa pamamagitan ng mga naipong pasya ng tao para sa kabutihan. Kaya nga, tinatawag natin ang Simbahan na "Sakramento," isang tanda ng pamamalagi ng Diyos sa ating gitna. Sa teolohiya, ang pagiging sakramento ng ating sambayanang Kristiyano ay kapwa palatandaan (indicative) at panawagan (imperative). Bilang Simbahan, tungkulin nating pangyarihin ang pagdating ng Diyos sa lahat ng lugar at panahon. “There is a duty for the Christian Catholic to transform politics by the Gospel. The Gospel must influence every phase of life, every stratum of society, and ‘restore all things under Christ’” [Eph. 1:10] (CBCP, 1998).
*Disyembre 22, Simbang Gabi |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|