 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Regalo' ni Msgr. Noel |
| 23 December 2022 |
| |
|
Ang pagsilang ni Juan ay isang dakilang regalo kina Zacarias at Elisabet. Ang kahulugan ng pangalang Juan ay 'ang Diyos ay mapagbigay.' Inaanyayahan tayo ng ebanghelyo upang muling tuklasin ang kahulugan ng regalo at pagbibigay. Sa impluensyang hatid ng materyalismo at ng kalakaran ng lipunan sa ngayon, nawawala na ang orihinal na kahulugan ng regalo.
Ang regalo ay naging balato. Nawala na ang karakter nito bilang kaloob. Umiiral ang "balato culture", na isang uri ng panunuhol at pangingikil. "Beke nemen." May mga gumagamit ng poder upang magkamal ng yaman kapalit ng espesyal na pabor sa mga nagbibigay.
Ang regalo ay naging negosyo: We have reduced the generous practice of gift-giving into some kind of commercial exchange. Kahit nga exchange gift ay may presyo. May nagdo-donasyon, pero mas malaki pa ang pangalan sa tarpaulin kaysa halaga ng ibinigay. Ang simpleng paggawa ng mabuti ay ginagawang kondisyon para pagkalooban.
Hindi na rin natin pinapahalagahan ang regalo ng Lumikha. Ang regalo ay inaabuso. Ang likas na yaman ay nawawasak dahil sa kasakiman. Inaani na natin ang masamang epekto ng pag-aabuso sa kalikasan: malalakas na bagyo at lumalalang problema sa pagbabago ng klima. Ipinagpalit natin sa kakarampot at panadaliang kita ang pangmatagalang pagkasira ng likas na yamang regalo ng Diyos sa ating lahi.
Nagiging makasarili ang tao at nakakalimot nang magbahagi sa mga nangangailangan. Ang regalo ay sinosolo - para lang sa sarili Lumalawak ang agwat ng mayayaman at mga nasa laylayan ng lipunan. “We have absolutized the right to private property and overlooked the more fundamental social principle: everyone has a right to a fair share in the world's resources.”
Muling ipinapaalaala ng ebanghelyo ang karakter ng regalo: ito'y isang kusang kaloob, walang bayad o kapalit, pinagyayaman at ibinabahagi. Diyos ang unang nagbigay at nagbahagi. Tungkulin nating gugulin ang mga kaloob niya sa paglilingkod.
Tulad ni Juan Bautista, ang kanyang buhay ay naging handog sa Diyos. “Magiging ano kaya ang batang ito sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.” Ang pagsilang ni Juan ay isang tanda mula sa langit ng higit na dakilang regalo ng Diyos sa sangkatauhan: ang kanyang bugtong na Anak na si Hesus.
Katesismo: Sa istorya ng Paglikha sa aklat ng Genesis, ibinigay ng Diyos sa tao ang daigdig upang linangin at pagyamanin. Hindi ito nangangahulugan na tao lamang ang sukatan ng kabutihan ng bawat bagay. Hindi wasto ang kaisipang ang isang nilikha ay may halaga lamang kung ito ay may silbi sa tao. Ito ang nagiging sanhi ng pag-aabuso ng tao sa likas na yaman ng daigdig.
Sa kabalintunaan, bawat nilikhang bagay ay nagtataglay ng partikular na kabutihan at kaganapan. Ang kanila mismong pag-iral ay nagbibigay-luwalhati sa Diyos. Bawat isa ay sumasalamin sa karunungan at kabutihan ng Diyos. Samakatuwid, dapat nating igalang ang sangnilikha at ang mga batas nito. Bilang pasasalamat sa Lumikha, iwasan natin ang maling paggamit at pagsira sa kanyang mga nilikha.
*Disyembre 23, Simbang Gabi |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|