 |
|
|
Monday of the Second Week in Ordinary Time (Green) |
16 January 2023 |
|
|
UNANG PAGBASA Hebreo 5, 1-10
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Ang bawat dakilang saserdote’y pinili sa mga tao at itinalagang maglingkod sa Diyos para sa kanila upang maghandog ng mga kaloob at mga hain dahil sa mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya’y mahina rin. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya’y maghandog ng hain, hindi lamang para sa kasalanan ng mga tao kundi para sa mga kasalanan din niya. Ang karangalan ng pagiging dakilang saserdote ay hindi maaaring kamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang humihirang sa kanya, tulad ng pagkahirang kay Aaron.
Gayun din naman, hindi si Kristo ang nagtaas ng kanyang sarili sa pagiging dakilang saserdote. Siya’y hinirang ng Diyos na nagsabi sa kanya, “Ikaw ang aking Anak, Ako ang iyong Ama.”
Sinasabi rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan, “Ikaw ay saserdote magpakailanman Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.”
Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya. Minarapat ng Diyos na siya’y gawing dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 109, 1. 2. 3. 4
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang ang kaaway mo ay lubos na mapasuko, pagkat iyong matatalo.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Magmula sa dakong Sion, ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop; “At lahat ng kaaway mo’y sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sasamahan ka ng madla, kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway; magmula sa mga bundok, lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari, ganito ang kanyang saysay: “Katulad ni Melquisedec, gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
ALELUYA Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya! Buhay ang salita ng D’yos, ganap nitong natalos tanang ating niloloob. Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Marcos 2, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.
“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|