 |
|
|
Memorial of St. Agnes, Virgin and Martyr (Red) |
21 January 2023 |
|
|
Mga Pagbasa mula sa Sabado ng Ika-2 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA Hebreo 9, 2-3. 11-14
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi; ang una’y tinatawag na Dakong Banal. Naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos. Ang ikalawa’y nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
Ngunit dumating na si Kristo, ang Dakilang Saserdote ng bagong tipan. Siya’y naglilingkod doon sa sambahang lalong dakila at walang katulad, hindi ginawa ng tao, alalaong baga’y wala sa sanlibutang ito. Minsan lamang pumasok si Kristo sa Dakong Kabanal-banalan, at ito’y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin. Ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi. Sa gayon, sila’y nagiging malinis ayon sa Kautusan. Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Kristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso’t isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha, pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila! Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat katakutan, siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos, hatid ng tambuling malakas ang tunog; masayang sigawan ang ipinansuob. Purihin ang Diyos, siya ay awitan, awitan ang hari, siya’y papurihan!
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa, awita’t purihin ng mga nilikha! Maghahari siya sa lahat ng bansa, magmula sa tronong banal at dakila.
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
ALELUYA Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya! Kami’y iyong pangaralan upang aming matutuhan ang Salitang bumubuhay! Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Marcos 3, 20-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|