 |
|
|
Memorial of St. Francis de Sales, Bishop and Doctor of the Church (White) |
24 January 2023 |
|
|
Mga Pagbasa mula sa Martes ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA Hebreo 10, 1-10
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, ang Kautusan ay malabong anino lamang at hindi ganap na larawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga haing inihahandog taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganitong mga handog, wala na sana silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na kailangang maghandog pa. Subalit ang mga haing ito pa nga ang taun-tao’y nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasanalan, sapagkat ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.
Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos, “Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain. Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan. Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”
Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin ay mga handog dahil sa kasalanan” bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 39, 2 at 4ab. 7-8a. 10. 11
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ako ay naghintay sa ‘king Panginoon. At dininig niya ang aking pagtaghoy; tinuruan niya ako pagkatapos ng bagong awiting pampuri sa Diyos.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang mga panghandog, pati mga hain, at mga hayop na handang sunugin hindi mo na ibig sa dambana dalhin, upang yaong sala’y iyong patawarin; sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag saanman magtipon ang ‘yong mga anak; di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi, di ko inilihim sa aking sarili; pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat, sa mga lingkod mo’y isinisiwalat.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
ALELUYA Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya! Papuri sa Diyos Ama pagkat ipinahayag n’ya Hari s’ya ng mga aba. Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Marcos 3, 31-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus. Sila’y nasa labas ng bahay at ipinatawag siya. Noon nama’y maraming taong nakaupo sa palibot ni Hesus, at may nagsabi sa kanya, “Nariyan po sa labas ang inyong ina at mga kapatid; ipinatatawag kayo.” “Sino ang aking ina at mga kapatid?” ani Hesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot niya at nagwika: “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos; ay siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|