Sa Isang Salita: 'Palad' ni Msgr. Noel
29 January 2023
 
Naniniwala ka ba sa guhit ng palad? May ilang tao na umaasa sa magandang kapalaran, dahil umano'y nakaguhit na ito sa kanilang palad.

Sa sermon ni Hesus tungkol sa mga punong kabanalan, nagtakda siya ng bagong pamantayan ng kapalaran. Ang mga taong dukha - sa mata ng mundo - ay hindi 'pinalad.' Subalit kung sila ay nanghahawakan sa Diyos, at malaya ang puso sa makamundong paghahangad, sila ang tunay na 'mapalad.'

Sa kabilang dako, magandang 'kapalaran' ang tingin ng mundo sa mga nagkamal ng pera at posisyon sa lipunan. Subalit kung alipin naman ang kanilang puso ng mga bagay na panandalian, sila ang tunay na 'sawimpalad.'

Anang isang pantas, turuan natin ang mga kabataan kung paano maging matapat, at hindi kung paano maging mayaman, upang sa kanilang pagtanda, matuto silang magmahal sa regalo ng buhay at hindi sa halaga ng pera.

Sa ating mga nananalig, tanging Diyos lamang ang tunay na 'kapalaran.' Manghawakan tayo sa pangako ng Diyos. Aniya, sa aklat ng propeta Isaias: "Nakaukit magpakaylanman sa aking 'palad' ang 'yong pangalan."

*Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN