 |
|
|
Monday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green) |
30 January 2023 |
|
|
UNANG PAGBASA Hebreo 11, 32-40
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para isalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barac, Samson, Jefte, David, Samuel, at sa mga propeta. Dahil sa pananalig nila sa Diyos, nakalupig sila ng mga kaharian, gumawa ng matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Nagpatikom sila ng bunganga ng mga leon, pumatay ng nagngangalit na apoy, at naligtas sa tabak. Sila’y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, anupa’t napaurong ang hukbo ng dayuhan. Dahil sa pananalig sa Diyos, ibinalik sa mga babae ang kanilang mga patay matapos buhaying muli.
May mga tumangging palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. Mayroon namang nilibak at hinagupit, at mayroon ding nabilanggong gapos ng tanikala. Sila’y pinagbabato, nilagari nang pahati, pinatay sa tabak. Mga balat ng tupa at kambing ang dinaramit nila. Sila’y mga nagdarahop, aping-api, at pinagmamalupitan. Hindi marapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa lungga at mga yungib sa lupa.
At dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, isang kasaysayang di-malilimot kailanman ang kanilang iniwan. Ngunit ang pangako ng Diyos ay hindi natupad sa kanilang kapanahunan sapagkat may lalong mabuting panukala ang Diyos para sa atin – ang tayo’y makasama nila kapag tinupad na niya ang kanyang pangako.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 30, 20. 21. 22. 23. 24
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Poon, ang pagpapala mo’y ‘yong ilaan sa mga anak mong may takot na taglay; kagilas-gilas malasin ninuman, ang pagkalinga mo sa mga hinirang na nangagtiwala sa iyong pagmamahal.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Iyong kinalinga at iningatan mo laban sa adhika ng masamang tao; dinala sa ligtas na dakong kublihan, upang di hamakin ng mga kaaway.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Purihin ang Poon, sa kanyang pag-ibig na dulot sa akin nang ako’y magipit.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Ako ay natakot, labis na nangamba sa pag-aakalang itinakwil mo na; ngunit dininig mo yaong aking taghoy, nang ako’y humingi sa iyo ng tulong.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Mahalin ang Poon ng mga hinirang; ng lahat ng tapat na mga nilalang, ang tapat sa kanya ay iniingatan, ngunit ang palalo’y pinarurusahan.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
ALELUYA Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya! Narito at dumating na isang dakilang propeta sugo ng Diyos sa bayan n’ya. Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Marcos 5, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito’y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabi’y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.
Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, “Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.
Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.
Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|