 |
|
|
Memorial of Our Lady of Lourdes (White) |
11 February 2023 |
|
|
UNANG PAGBASA Isaias 66, 10-14k
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Magalak ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem, ang lahat sa inyo na may pagmamahal, wagas ang pagtingin; Kayo’y makigalak at makipagsaya, lahat kayong tumangis para sa kanya. Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.
Sabi pa ng Panginoon: “Padadalhan kita ng walang katapusang pag-unlad. Ang kayamanan ng ibang bansa ay dadaloy sa iyong tila agos ng ilog. Ang makakatulad mo’y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina. Aaliwin kita sa Jerusalem, tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak. Ika’y magagalak pag nakita mo ang lahat ng ito. Ikaw ay lalakas at lulusog. Sa gayun, malalaman mong Akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Judith 13, 18bkde. 19
Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.
Anak, sumasainyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan. Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa. Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.
Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.
Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.
Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.
ALELUYA Lucas 1, 45
Aleluya! Aleluya! Birheng Mariang mapalad, sa pananalig mong tapat sa D’yos na Tagapagligtas upang sa’yo ay mahayag ang pag-ibig niyang tapat. Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Juan 2, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni Hesus. Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng ina ni Hesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang panahon ko.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Hesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang sa labi. Pagkatapos, sinabi niya, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan. Tinikman naman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng tubig, kaya’t tinawag niya ang lalaking ikinasal. Sinabi niya rito, “Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag marami nang nainom ang tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit ipinagpahuli ninyo ang masarap na alak.”
Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni Hesus. Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa kanya ang mga alagad.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|