 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Sintomas' ni Msgr. Noel |
| 12 February 2023 |
| |
|
Noong una, hindi pa laganap ang paggamit ng blood test sa pagkuha ng diagnosis ng pasyente. Ang inuusisa ng doktor ay ang mga sintomas ng sakit. Ang sintomas ay hindi pa mismo ang sakit; ito'y palatandaan lamang ng mas malalim na karamdaman ng isang tao.
Magaling na manggagamot si Hesus. Radikal ang kanyang lunas sa karamdaman ng espiritu. Alam niya na ang lahat ng masamang gawa ay nag-uugat sa isip - sa lisyang pagnanasa. Marami sa ating kasalanan ay sintomas lamang ng mas malalim na sakit ng ating kaluluwa.
Pinaging-ganap ni Hesus ang mga batas ng Lumang Tipan. Kung ipinagbawal noon ang pakikiapid, ngayon ay itinuturo ni Hesus: sa mahalay na pagnanasa pa lamang, nakikiapid na tayo sa ating puso. Sa galit at poot nagmumula ang dahas at pagpatay. Sa inggit at masamang paghahangad, nanggagaling ang tsimis at fake news.
Malapit na ang Kuwaresma. Pagsumakitan nating iwaksi ang pinag-uugatan ng ating mga masamang gawa laban sa Diyos, kapwa at kalikasan. Sana'y hindi maging paimbabaw ang pag-iwas natin sa kasalanan.
*Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|