 |
|
|
Thursday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green) |
16 February 2023 |
|
|
UNANG PAGBASA Genesis 9, 1-13
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Si Noe at ang kanyang mga anak ay pinagpala ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at kalatan ninyo ang buong daigdig. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. Ibinibigay ko sa inyo ang mga hayop at mga halamang luntian upang maging pagkain ninyo. Isang bagay lamang ang hindi ninyo makakain, ang karneng hindi inalisan ng dugo na siyang sagisag ng buhay. Papatayin ang sinumang papatay sa inyo, maging ito’y hayop. Sisingilin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.
Sinumang pumatay ng kanyang kapwa ay buhay ang bayad sa kanyang ginawa, sapagkat ang tao’y nilalang, nilikha ayon sa larawan ng Diyos na dakila.
“Magkaroon nga kayo ng maraming anak upang kalatan nila ang buong daigdig.”
Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako’y makikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, gayun din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo – mga ibon, maaamo’t maiilap na hayop na kasama ninyo sa daong. Ito ang masasabi ko sa aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma’y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 at 22-23
Mula sa iyong luklukan, lahat ay ‘yong minamasdan.
Ang lahat ng bansa sa Poon ay takot, maging mga hari sa buong sinukob. Kung iyong itayong pamuli ang Sion, ika’y mahahayag doon, Panginoon. Daing ng mahirap ay iyong diringgin, di mo tatanggihan ang kanilang daing.
Mula sa iyong luklukan, lahat ay ‘yong minamasdan.
Ito’y matititik upang matunghayan, ng sunod na lahing di pa dumaratal; ikaw nga, O Poon, ay papupurihan. Mula sa itaas, luklukan mong banal, ang lahat sa lupa’y iyong minamasdan iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay, upang palayain sa hirap na taglay.
Mula sa iyong luklukan, lahat ay ‘yong minamasdan.
At ang mga anak ng ‘yong mga lingkod, mamumuhay namang panatag ang loob; magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila ay tatagal. Anupa’t ang iyong ngala’y mahahayag, sa Sion, O Poon, ika’y ibabansag; pag ang mga bansa ay nagsasama-sama sa banal na lungsod upang magsisamba.
Mula sa iyong luklukan, lahat ay ‘yong minamasdan.
ALELUYA Juan 6, 63k. 68k
Aleluya! Aleluya! Espiritung bumubuhay ang Salita mo, Maykapal, buhay mo ang tinataglay. Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Marcos 8, 27-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|