 |
|
|
Saturday after Ash Wednesday (Violet) |
25 February 2023 |
|
|
UNANG PAGBASA Isaias 58, 9b-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinasabi ng Panginoon: “Kung titigilan ninyo ang pang-aalipin at pagsuway sa akin, at ang masamang salita’y iiwasan, kung ang nagugutom ay pakakainin ninyo at tutulungan, ang kadilimang bumabalot sa inyo ay magiging tila liwanag sa katanghalian. At akong Panginoon ang siyang sa inyo’y laging papatnubay, lahat ng mabuting kailangan ninyo’y aking ibibigay, at palalakasin ang inyong katawan. Kayo’y matutulad sa pananim na sagana sa dilig. Matutulad sa batis na di nawawalan ng agos ng tubig. Muling itatayo ng mga lingkod ko ang kutang nadurog, muling itatayo sa dating pundasyon, makikilala kayo bilang tagapagtayo ng sirang muog, mga tagapagtayo ng wasak na mga bahay.” Sinabi pa ng Panginoon, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga, huwag kayong gagawa ng inyong gawain sa araw na banal, sa araw na ito’y mamamahinga kayo’t huwag maglalakbay ni gagawa o maghuhunta nang walang kabuluhan. At kung magkagayon, ay madarama ninyo ang kagalakan sa paglilingkod sa akin. Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig at lalasapin ninyo ang kaligayahan sa paninirahan sa lupaing ibinigay ko sa nuno ninyong si Jacob. Mangyayari ito pagkat akong Panginoon ang nagsabi nito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
Sa aking dalangin, ako’y iyong dinggin, tugunin mo, Poon, ang aking pagdaing; ako’y mahina na’t wala nang tumingin. Yamang ako’y tapat, ingatan ang buhay, lingkod mo’y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa ‘yo kailanman.
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
Ikaw ang aking Diyos, ako’y kahabagan, sa buong maghapo’y siyang tinatawagan. Poon, ang lingkod mo’y dulutan ng galak, sapagkat sa iyo ako tumatawag.
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
Mapagpatawad ka at napakabuti; sa dumadalangin at sa nagsisisi, ang iyong pag-ibig ay mananatili. Pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin, tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA Ezekiel 33, 11
Sinabi ng Poong mahal: “Di ko nais na mamatay ang mga makasalanang nagbabagong-kalooban upang sila ay mabuhay.”
MABUTING BALITA Lucas 5, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nakita ni Hesus ang isang publikano na nagngangalang Levi, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin,” Tumindig si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Hesus.
Si Hesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay. Nakasalo niya roon ang mga publikano at ang iba pang mga tao. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang kanilang mga kasamang eskriba. Sinabi nila sa mga alagad ni Hesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga publikano at ng mga makasalanan?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang may sakit. Naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan upang magsisi.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|