 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Kulang' ni Msgr. Noel |
| 20 February 2023 |
| |
|
Matinding kalaban ang demonyo. Ramdam natin ang mapaniil na presensya nito sa laganap na karahasan, inhustisya at pagbaluktot sa katotohanan. Winawasak nito ang ating mga pagpapahalagang maka-Diyos at sinisira ang moralidad ng lipunan.
Higit sa kalikasan nating mga tao ang pwersa ng kasamaan. Wala tayong magagawa kung kulang sa panalangin. Kailangan natin ang lakas ng Diyos para magtagumpay laban sa kapangyarihan ng karimlan.
Sa ebanghelyo, hindi nagtagumpay ang mga alagad na palayasin ang demonyo sa inaalihan nito dahil sa kakulangan ng pananalig. Higit nilang pinanghawakan ang sariling lakas kaysa kapangyarihan ng Diyos.
Mapanlinlang ang demonyo. Ginagamit nito ang istruktura ng lipunan upang mamayani ang kasamaan at sistemang taliwas sa katwiran.
Subalit higit na makapangyarihan ang Diyos. Sa taimtim at sama-samang pananalangin, magtatagumpay ang liwanag.
*Lunes sa Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Tagumpay
Nabigo ang mga alagad na pagalingin ang taong pipi at bingi na inaalihan ng demonyo. Dahil sa kakulangan ng pananampalataya, nawalan ng puwang ang Diyos para kumilos sa pamamagitan nila.
Subalit nabago ang lahat nang idulog kay Hesus ang taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng diablo. Sa isang salita, naranasan niya ang paglaya. Nakalag ang pagkagapos niya sa pwersang humahadlang para siya'y makarinig at makapagpahayag.
Lahat ay mapangyayari sa kapangyarihan ng Diyos. Walang anumang balakid ang maaaring maging hadlang sa kaganapan ng kanyang kalooban.
Sa ating pananalig, ang kabiguan ng ating limitasyong makatao ang magiging tagumpay ng grasya ng Diyos.
*Lunes sa Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|