 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Gutom' ni Msgr. Noel |
| 24 February 2023 |
| |
|
Mahirap makaranas ng gutom -- kumakalam ang sikmura, sumasakit ang ulo, sumasama ang pakiramdam at nakapanghihina. Maraming tao ang sapilitang nagugutom dahil sa kasalatan. Sila ang mga Lazaro ng ating panahon, namumulot ng mumo sa hapag ng mayayamang nagpapasasa sa pagkain at kayamanan. "While Lazarus was dying of hunger, the rich man (Dives) was dying of greed."
Ang sobrang pagpapasasa sa pagkain at kayamanan ay nakakamanhid ng budhi. Iniaangat nito ang ating puso sa sitwasyon ng mga nangangailangan. Kapag namihasa sa kasaganaan, nakakaligtaan nang makisangkot at nagiging indiferente sa mga usaping panlipunan.
Hindi lahat ng pagdanas ng gutom ay masama. Ang kusang loob na pagtitiis ng gutom ay may dulot na kabutihan. Sa pag-aayuno, nasasanay tayong lumayo sa masasamang hilig, lumalakas ang ating espiritu laban sa tukso at nagkakaroon ng puwang ang Diyos sa ating buhay. Sa pagtitimpi sa sarili, umaangat tayo sa mga bagay na kinahuhumalingan. Sabi ni Sto. Tomas de Aquino, ang pagbabalik-loob ay ang paglayo sa mga bagay at paglapit sa Diyos.
Sa ayuno, boluntaryo nating dinaranas ang hirap na pinagdadaan ng mga taong nagugutom. Sa pagpapakasakit, natututo tayong magmalasakit at umunawa. Tinuturuan tayong maging bukas-palad sa mga nangangailangan. Nagkakaroon tayong muli ng ganang makiisa sa pagpapanibago ng lipunan.
Isa sa mga haligi ng kuwaresma, nawa'y matulungan tayo ng pag-aayuno na lupigin ang ating pagkamakasarili at bigyan ng puwang ang kapwa at ang Diyos sa ating buhay.
*Biyernes pagkatapos ng Miyerkules ng Abo |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|