 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Tinapay' ni Msgr. Noel |
| 26 February 2023 |
| |
|
Ang gutom ay simbolo ng malalim na paghahangad ng ating espiritu. Mahirap ang walang makain, pero mas mahirap ang buhay na salat sa Diyos.
Ang unang tukso ng Diablo kay Hesus, sa gitna ng kanyang pag-aayuno sa desierto ay "tukso ng tinapay." Ano nga naman ang mapapala natin sa pagtitiis ng gutom? Hindi ba't mas masaya ang magpakabusog at magpasasa sa layaw ng mundo?
Ang tanong: "tayo ba ay nabubuhay para kumain; o kumakain ba tayo para mabuhay?"
Malinaw na higit na mataas na layunin ang ating buhay kaysa maglingkod sa sarili. Nauuwi ito sa idolatriya ng kasakiman: sinasamba natin ang sarili at hindi ang tunay na Diyos.
Kaya sinabi ni Hesus sa Diablo: "hindi lamang sa tinapay ang tao nabubuhay, kundi sa Salitang nagmumula sa bibig ng Maykapal." Diyos lamang ang tutugon sa malalim na gutom ng puso.
Pero hindi lang yan. Ang tinapay ay sagisag rin ng buhay. "Bread" ang tawag natin sa sahod o kita, at "breadwinner" ang turing natin sa naghahanap-buhay para sa pamilya.
Isang tukso rin ng demonyo na gamitin natin ang ating salapi at yaman nang walang panlipunang pananagutan. Sinisira ng kasakiman ang ating ugnayan sa Diyos, sa kapwa at sa kalikasan.
Ang tinapay ay sagisag ng biyaya at lahat ng pagpapalang galing sa Diyos. Sabi ni Papa Francisco: labanan natin ang “culture of waste... : throwing food away is like stealing from the tables of the poor, the hungry!"
Ang mag-aksaya ng pera sa walang kapararakang paggastos ay insulto sa mga dukha. Ang pagsira sa kalikasan - at pagpayag sa gawaing ito - ay pagnanakaw sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Ginigising ng panahon ng Kuwaresma ang ating budhi para makiisa sa katayuan ng mga kapus-palad. Tinatawag tayo ng Diyos upang akuin ang pananagutan sa kapwa at sa lipunan - ang maging Tinapay para sa iba; ang maging tulad ni Kristo sa Tinapay ng Eukaristiya.
*Unang Linggo ng Kuwaresma |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|