 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Balik-loob' ni Msgr. Noel |
| 11 March 2023 |
| |
|
"Naabot na ng tao ang 'outer space,' subalit hindi ang 'inner space.'" Ang pinakamahabang paglalakbay ng tao ay ang paglalakbay tungo sa kanyang puso - kung saan makakatagpo ang Diyos.
Sa Talinghaga ng Alibughang Anak, inilarawan ang kasalanan sa pamamagitan ng 'paglayo' sa bahay ng Ama. Sagisag ito ng pamumuhay sa 'labas' - sa pagpapakasasa sa huwad na ligayang dulot ng mundo.
Ang pag-uwi ng alibughang anak sa bahay ng Ama ay isang tunay na 'pagbabalik-loob.' Natauhan siya nang napagtanto at maisa-'loob' niya: "mabuti pa sa bahay ng aking Ama..."
Ani Sto. Tomas, ang kasalanan ay "aversio a Deo et conversio ad creaturam" (paglayo sa Diyos at paglapit sa mga bagay).
Ngayong Kuwaresma, tahakin natin ang daan ng pagbabalik-loob: itakwil ang mga panlabas at panadaliang aliw ng daigdig at tagpuin ang mapagpatawad na Ama sa kaibuturan ng ating mga puso.
======================
Uhaw
Higit na mahirap ang mauhaw kaysa magutom. Sa karanasan ng isang survivor na nalibing nang buhay sa gumuhong Hyatt Hotel sa Baguio noong dekada '90, labing-isang araw siyang nakatagal sa ilalim ng guho kahit walang pagkain. Subalit nabuhay siya dahil sa patak ng tubig na nanggaling sa ulan.
Uhaw ang malalim na ekspresyon ng ating pananabik sa Diyos. "Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios." (Mga Awit 42: 1)
Sa talinghaga ng Alibughang Anak, nagsimulang magbalik-loob ang bunsong anak nang maramdaman niya ang uhaw sa pagmamahal ng kanyang Ama. Ang gutom at uhaw na kanyang dinanas sa malayong lupain ay sagisag ng "gutom at uhaw" ng isang taong napapalayo sa Diyos.
Sa panahong ito ng Kuwaresma, nawa'y ang kusang loob nating pagpapakasakit ay magpasidhi sa pananabik ng ating puso sa Diyos.
Sabi ni San Agustin, "our hearts are made for Thee O God, and restless must they be, until they rest in Thee."
*Sabado sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|