Sa Isang Salita: 'Bagong Buhay' ni Msgr. Noel
12 March 2023
 
Hindi madali ang magbagong-buhay. Hindi ito panandaliang tagumpay kundi isang prosesong panghabambuhay. "Conversion is not a victory of a moment but a pilgrimage of a lifetime."

Ipinakita ito sa istorya ng Babaeng Samaritana. Nang makatagpo niya si Hesus sa balon ni Jacob, nagsimulang mabago ang kanyang buhay sa iba't ibang antas ng pagbabalik-loob.

1. Pagbabago ng Isip: mula sa materyal na tubig, natutunan niyang mauhaw sa Diyos. Ang dating mababaw na paghahangad ay unti-unting napalitan ng malalim na pananalig. Hiniling niya kay Hesus ang biyaya ng buhay na walang hanggan. Lahat ng pagbabago ay nagsisimula sa isip (metanoia). Kapag nabago ang isip, mababago ang gawa; kapag nabago ang gawa, mababago ang gawi at ugali.

2. Pagbabago ng puso. Mula sa buhay ng pagtataksil (lima ang kanyang naging asawa), tinahak niya ang bagong buhay ng katapatan. Sa biblia, ang katumbas na salita ng kasalanan ay 'hamartia' na ang kahulugan ay "missing the mark." Nang makatagpo niya si Hesus, nagsimula niyang tahakin ang daan ng katwiran.

3. Pagbabago ng Paniniwala. Mula sa maling paniniwala tungo sa tunay na pananalig: from 'localized' worship to true spiritual worship. Nanalig ang babaeng Samaritana sa pangako ni Hesus. Darating ang panahon na hindi na sa bundok na iyon nila sasambahin ang Diyos kundi sa 'espiritu at katotohanan.'

4. Pagbabalik-loob sa komunidad. Mula sa pagkakahiwalay sa kanyang kapwa, tinahak niya ang landas ng pagkikiisa sa sambayanan. Mag-isa siyang tumungo sa balon ni Jacob. Bumalik siya sa kanyang komunidad, taglay ang mabuting balita ng pagkakilala niya sa Mesias.

*Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (A)

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN