 |
|
|
Sa Isang Salita: 'Lahat' ni Msgr. Noel |
17 March 2023 |
|
|
Ayon kay Stephen Covey, wastong prayoridad ang isang susi tungo sa tagumpay. "First things first." Kapag inuna natin ang dapat unahin, magiging madali at maayos ang lahat.
Sa ebanghelyo, ito ang kahulugan ng pinadakilang utos. "Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas."
Itinakda ng Sampung (10) utos ang pag-ibig sa Diyos bilang pinakauna sa lahat upang ipaalaala kung sino ang dapat maging prayoridad natin sa buhay. Kapag pinahawakan natin sa Diyos ang lahat, siya ang magpapatakbo ng ating buhay ayon sa kanyang layunin.
Makahulugan ang dasal ni San Ignacio de Loyola: "Kunin at tanggapin mo, O Diyos, ang aking kalayaan, ang aking kalooban, ang isip at gunita ko." Sa isang nagmamahal sa Diyos, handang ibigay ang lahat.
Ngayong kuwaresma, usisain natin kung anong bahagi ng ating pagkatao ang hindi pa hawak ng Diyos. Sana'y lahat. "Totus tuus."
*Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|