Sa Isang Salita: 'Puso' ni Msgr. Noel
25 March 2023
 
Kahanga-hanga ang debosyon ng isang matandang babae na araw-araw ay naglalakad nang isang oras mula sa kanilang nayon para dumalaw sa Santisimo Sakramento sa kanilang simbahan. Nang siya ay tanungin kung paano niya nagagawa iyon, ang sagot niya ay: “Bago ko pa marating ang Simbahan, nauna nang dumating doon ang aking puso. At dahil naroon na ang aking puso, hindi na mahirap sumunod ang nalalabi pang bahagi ng aking sarili.

Sinasabi na ang orihinal na kahulugan ng salitang “credo” (I believe) ay “ibinibigay ko ang aking puso.” Handang ibigay ng isang nananalig ang puso - ang kanyang buong pagkatao - sa Diyos.

Si Maria ang unang nanalig sa kanyang Anak. Bago niya tanggapin ang Salita ng Diyos sa kanyang sinapupunan, una niya itong tinanggap sa kanyang puso. Una siyang naging disipulo bago maging Ina ni Hesus.

Ang Mahal na Birhen ang huwaran ng wagas na pananalig. Kapag nagawa nating ibigay ang ating puso, hindi na mahirap ipagkaloob ang nalalabi pang bahagi ng ating pagkatao sa Diyos.

Marso 25, Kapistahan ng Pagbabalita ng Anghel sa Mahal na Birhen

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN