Sa Isang Salita: 'Taliwas' ni Msgr. Noel
28 March 2023
 
"Kung totoong may Diyos, bakit siya nagtatago?" Ito ang tanong ng isang newsman na nag-interview noon kay Papa San Juan Pablo II. Ang sagot ng Papa: "Ang totoo niyan, hindi ang Diyos nagtatago. Labis-labis pa nga ang kanyang ginawa nang siya ay magpahayag ng sarili: Siya'y naging tao."

Sinabi sa ebanghelyo, "Kapag itinaas na ang Anak ng tao, makikilala ninyo na 'Ako ay si Ako nga.'" (Ang tinutukoy nito ay ang "pagtataas" sa krus.)

Taliwas ang pamamaraan ng Diyos sa pamamaraan ng tao. Hindi natin mawari kung bakit sa kapakumbabaan ng krus nagpakilala ang Diyos sa langit. Labag sa makataong lohiko na ang kaluwalhatian ng Diyos ay mabanaagan sa kaabahan ng isang alipin.

Sa lenguahe ng kapangyarihan, ito ay isang kahangalan. "Anong klaseng Diyos 'yan?" "Diyos ka, tapos magpapapako ka sa Krus? Isang katangahan!" Subalit hindi ganito ang lenguahe ng pag-ibig. Ang taong nagmamahal ay hindi puno ng sarili. Hindi siya palalo. May malawak na lugar ang kapwa sa kanyang puso. Handa siyang magsakripisyo para sa iba.

Ngayong kuwaresma, ipinaaalaala ang limitasyon ng ating makataong pag-iral. Hingin natin sa Diyos na higit na mamayani ang lenguahe ng pag-ibig laban sa lenguahe ng kapangyarihan at kapalaluan sa ating lipunan.

"When the power of love overcomes the love of power, there will be peace."

*Martes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN