 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Tagsibol' ni Msgr. Noel |
| 09 April 2023 |
| |
|
Bakit kaya walang aktwal na nakasaksi sa pagbangon ni Hesus sa kamatayan? Ayon sa ebanghelyo, libingang wala nang laman ang nakita ng mga alagad. Wala na roon si Hesus.
Ang totoo, ang muling pagkabuhay ng Panginoon ay kakaibang pangyayari. Lampas sa hangganan ng pook at panahon. Ang tawag sa theology: transcendental event. Wala sa hinagap ng ating isip. Biyayang di inakala. Hiwagang sa langit lang nagmula.
Ito pala ang kaloob sa tao ng pagkabuhay. Isang radikal na pasimula. Isang bagong buhay kay Kristo. Nagapi na ni Hesus ang dilim ng kasalanan. Nalupig Niya ang kamatayan.
Ang hiwaga ng Araw na ito ay mababanaag natin sa kalikasan. Ipinagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay sa panahon ng tagsibol. Matapos ang taglamig, muling bumabalik ang kulay at buhay ng kapaligiran. Hindi mananaig ang dilim at lamig ng gabi. Laging nagwawagi ang buhay at bagong pag-asa.
Hope springs eternal. Ito ang pinanghahawakan sa panahon ng pagsubok ay kagipitan tulad noong panahon ng pandemya. Umaasa tayo sa kaloob ng langit. Naghihintay sa isang pagsisimula. Bagong tagsibol - sa pagtatagumpay ng buhay.
Subalit kailangan nating harapin ang pagsubok. Ang mga Israelita ay sinubok ng 40 taon sa disyerto bago sila nakapasok sa Lupang Pangako.
Ang salitang quarantine at cuaresma ay iisa ang salitang ugat: quaranta giorni, na ang literal na kahulugan ay "space of forty days." Ang mga barkong nagmula sa mga lugar na may salot ay hindi muna pinapadaong sa pantalan. Nananatili silang malayo sa dagat sa loob ng 40 na araw. Distancing ang paraan para mapanatili ang ating kalusugan.
Paglayo, pag-angat, distancing din ang layunin ng 40 araw ng Cuaresma para mapanatili ang kalusugan ng kaluluwa. Ito ang "space of 40 days" upang tayo ay makalaya, at di magumon sa espiritu ng daigdig.
Sa 'paglayo,' nagkakaroon tayo ng kakayahang makita ang mga bagay na essensyal at tunay na mahalaga.
Ito ang daan sa bagong buhay. Nagbabago ang ating priority at values. Sabi ni San Agustin, ang pagbabagong buhay ay paglayo (distancing) sa bagay at paglapit sa Diyos. Sa talinghaga ng alibughang anak, habang winawaldas niya ang kanyang mana, siya namang paglayo niya sa kanyang ama.
Aminin natin na nalulong tayo sa mga palamuti o non-essentials ng buhay. Dumami ang ating luho. Inabuso natin ang kalikasan. Sa pagdami ng needs, sa paglaki ng nawawaldas sa likas na yaman ng daigdig. Sinira natin ang ecosystem. Naging madumi ang tubig at hangin. Ang polusyon sa kapaligiran ay salamin ng polusyon ng budhi ng ating lipunan.
Natapos na ang kuwaresma. Kasama ni Hesus, nawa'y makatawid tayo mula sa dilim tungo sa liwanag, mula sa pagdadalahamti tungo sa kagalakan, mula sa kasalanan tungo sa bagong buhay. Pagkatapos ng pandemya, nawa'y matuto tayong mamuhay nang payak, may paggalang sa buhay at sa kalikasan, kumakalinga sa mga mahihina at nasa gilid ng lipunan, nabubuhay nang may pananagutan sa kapwa at hindi para sa sarili lamang.
Nawa'y danasin natin ang isang panibagong tagsibol sa ating buhay bilang isang Kristiyanong pamayanan.
*Linggo ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|