Sa Isang Salita: 'Halik' ni Msgr. Noel
12 April 2023
 
Trending noon ang tagpo sa isang teleserye na ang pamagat ay 'Halik.' Sigawan ang mga manonood. Madaming naka-relate. Magaling yung sumulat ng script. Tindi ng eksena. Taas ng emosyon.

Ganito ang istorya ng dalawang alagad sa Emaus. Puno ng suspense. Maalab ang emosyon: mula sa pagkalumbay tungo sa pag-aalab ng puso sa pakikinig, mula sa kagalakan tungo sa pagpapahayag.

Ayon kay Henri Nouwen, ang karanasang ito ay matatagpuan natin sa Banal na Misa. Ito ay patunay na ang Misa ay hindi lang isang paulit-ulit na seremonyas kundi isang paglalakbay sa buhay. Tinatahak natin ang daan mula sa pagkalumbay tungo sa kagalakan at pasasalamat.

Sa pagkalumbay sa kasalanan, binabasag natin ang pusong bato upang mapasok ng biyaya ng pagsisisi.

Sa ating pakikinig sa Salita, nagkakaroon ng kulay at kahulugan ang ating buhay maging ang mga trahedya na ating pinagdaraanan.

Sa pagpapahayag ng pananampalataya, inaanyayahan natin si Kristo na pumasok sa ating buhay upang siya ang maghari dito.

Sa pagpipira-piraso ng tinapay, ibinabahagi ni Hesus ang kanyang buhay sa atin. Sa pagbabahagi rin tayo makikilala bilang mga alagad niya. Bagama't naglaho na Siya sa ating paningin, ang kanyang presensya ay nanatiling buháy sa gitna ng sambayanang nagdadamayan.

Mula sa ating matalik na karanasan kay Hesus, tinatawag niya tayong magpahayag at magpatotoo. Ang Misa ay ating buhay. Ang ating buhay ay isang misyon.

*Miyerkules sa Oktaba ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN