 |
|
|
Wednesday within the Octave of Easter (White) |
12 April 2023 |
|
|
UNANG PAGBASA Mga Gawa 3, 1-10
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Minsan, ikatlo ng hapon, oras ng pananalangin, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Sa malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking ipinanganak na lumpo. Dinadala siya roon araw-araw upang magpalimos. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, siya’y nanghingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabihan ni Pedro, “Tumingin ka sa amin!” Tumingin nga siya sa pag-asang siya’y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subalit may iba akong ibibigay sa iyo: sa ngalan ni Hesukristong taga-Nazaret, lumakad ka.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinindig. Pagdaka’y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; ito’y napalukso at nagsimulang lumakad. Paluksu-lukso siyang pumasok sa templo, kasama nila, at masayang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya’y lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila nang makilala nilang siya ang pulubing dati’y nakaupo sa Pintuang Maganda ng templo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
o kaya: Aleluya.
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan, ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam. Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan, ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya, ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila, lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya. Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham, gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang. Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos, sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman, ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan. Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham, at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
ALELUYA Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya! Araw ngayong gawa ng D’yos, magdiwang tayo nang lubos. Purihin ang Manunubos. Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Lucas 24, 13-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang araw ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”
Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila. “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, kinuha niya ang tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit siya’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|