 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Sugat' ni Msgr. Noel |
| 16 April 2023 |
| |
|
Nang nagpakita si Hesus kay Tomas matapos na siya'y muling nabuhay, sinabi niya: "Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri." Taglay pa ni Hesus ang mga sugat sa kanyang mga kamay. Hindi napapawi ang bakas ng kanyang sakripisyo sa Krus. Ito ang marka ng pagka-Mesiyas: ang magpakasakit para magmalasakit.
Pumasok si Hesus sa ating abang katatayuan bilang tao. Tumungo siya sa daigdig ng paghihirap. Makiramay siya sa sitwasyon ng kasalatan at pagdurusa. Si Hesus ang mukha ng Mabathalang Awa. Alam niya ang hirap ng buhay sapagkat dinanas rin niya ang maging sugatan.
Sa aklat na "Wounded Healer," sinabi ni Henri Nouwen: sa ating kahinaan, matututo tayong makiramay. Mula sa ating pagiging sugatan, maaari tayong maging bukal ng kagalingan para sa iba. Tinatawag tayo ng Diyos mula sa lugar ng kahinaan upang maging mabisang kasangkapan ng awa at pagmamahal ng Diyos sa kapwa.
Ang ating Diyos ay Diyos ng habag at pagdamay. Iniwan Niya ang luwalhati ('doxa') ng langit at pumasok sa ating makasalanang daigdig upang tayo'y iligtas.
Ito ang pagkilos ng Diyos. Ito rin ang misyon nating mga Kristiyano. Ang misyon ay hindi lamang ang pagpunta sa ibang lugar ng daigdig, kundi ang pagpasok sa daigdig ng ating kapwa.
Ngayong Kapistahan ng Mabathalang Awa, inaanyayahan tayo ni Hesus na makiisa sa kanyang misyon: 1) pasukin ang makabagong mundo at makibahagi sa pagpapanibago nito. Kaakibat ng misyong ito ang pakikisangkot sa mga usaping panlipunan. Dalhin natin ang ebanghelyo sa ating mga gawain at pamumuhay. "Let us evangelize the social sphere." Sabi ng Sinodo ng mga Obispo noong 1971, "ang pagtatrabaho para sa katarungan at pagpapanibago ng lipunan ay isang essensyal na sangkap ng pagpapahayag ng ebanghelyo."
2) Inaanyayahan din tayo ni Hesus na pasukin ang daigdig ng mga maralita. Siyamnapung porsyento ng populasyon sa ating bansa ay namumuhay sa karalitaan. Ito ang 'tatsulok' ng di makatarungang balangkas ng lipunan. Sabi nga, "for the Church to be real, it has to be 'in' poverty." Upang maging buhay na karanasan ang misyon ng Simbahan, dapat makiisang-buhay ito sa sitwasyon ng karalitaan.
Extra pauperes, nulla salus. (There is no salvation apart from the poor.) Sabi ng manunulat na si Peter Kreeft: "Love gives us sight." Mali pala ang kasabihang, "Love is blind." Kapag ikaw ay nagmamahal, magkakaroon ka ng kakayahang makita ang mga hindi nakikita - at ng ayaw o iniiwasang makita - ng lipunan: ang mga nasa gilid at laylayan.
Sabi ni Papa Francisco: "Mas gusto kong makita ang Simbahan na sugatan, nasasaktan at marungis dahil lumalabas ito sa mga lansangan, kaysa sa Simbahang matamlay at maysakit dahil nakakulong sa pangangapit sa kanyang sariling seguridad."
*Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|