Sa Isang Salita: 'Biyahe' ni Msgr. Noel
23 April 2023
 
Ang paglalakbay ng dalawang alagad patungo sa Emaus ay larawan ng ating buhay. Ang buhay ng Kristiyano ay isang 'biyaheng langit' kasama si Hesus.

Ginamit ni San Lukas ang isa sa mga istorya ng Pagkabuhay upang ituro ang aral sa tungkol sa eukaristiya. Ani Henri Nouwen, ang ating buhay ay tulad ng Banal na Misa. May mahahalagang elemento na di dapat kaligtaan:

1. Pagpapatawad. Kung paanong dapat mabasag ang lupang tigang upang mapasok ng tubig, kailangan din nating basagin ang pusong pinatigas ng kasalanan upang mapasok ng biyaya ng Diyos. Sa ating kalungkutan, naalaala natin ang ating kawalan at kakulangan. Nagkakaroon ng lugar ang Diyos sa ating puso. Tulad ng mga alagad na naglalakad tungo sa Emaus 'na nalulumbay,' sinisimulan din natin ang Misa sa pagsisisi at pagkalungkot sa madilim na nakaraan.

2. Pakikinig. Dahil sa ingay at distraksyon, nakakaligtaan nating manahimik at makinig. Biglang tumahimik ang paligid dahil sa Covid19. Nagkaroon tayo ng maraming panahon. Sa pakikinig, lumalago tayo sa karunungan at pag-unawa. "Word brings truth to light." Nag-aalab ang puso ng mga alagad habang nakikinig sila kay Hesus. Nabibigyang kahulugan ng Salita ang mga hiwagang nagaganap sa ating buhay.

3. Pananalig. Kapag sumasapit ang dilim, Kanino tayo umaasa? Saan tayo kumakapit? Magandang balikan ang sinabi ng dalawang alagad kay Hesus: "Stay with us Lord, for evening draws near." Pinatitingkad ng krisis na ating kinakaharap ang pangangailangan nating magdasal at umasa sa biyaya ng langit. Hindi pala tayo pwedeng manghawakan sa bagay. Tanging sa Diyos may katiyakan ang buhay. Ito ang kahulugan ng Credo: I believe.

4. Pagbabahagi. Nabuksan ang mga mata ng mga alagad at nakilala nila si Hesus nang pagpira-pirasuhin Niya ang tinapay at ipamahagi. Ito ang tugatog ng eukaristiya. Sa pagbabahagi ng sarili sa paglilingkod, nabibigyang patotoo ang Misa sa ating buhay. Kahit "naglaho na si Hesus" sa ating paningin, nanatiling Siyang buhay sa gitna ng sambayanang nagdiriwang at nagdadamayan.

5. Paghayo. Nagmamadaling bumalik sa Jerusalem ang mga alagad upang ipahayag ang magandang balita. Halos nasa hapag pa sila ng salu-salo. Hindi na nila nagawang magkapahinga. Walang pagkapagod sa wagas na naglilingkod. Walang pagkapagal sa tunay na nagmamahal. Totoo nga na ang Misa ay ating buhay. At ang ating buhay ay isang misyon.

Sa biyahe ng buhay, si Hesus ang ating kasama at hantungan.

.
*Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN