 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Mababaw' ni Msgr. Noel |
| 24 April 2023 |
| |
|
Ayon sa isang spiritual writer, "the key to real happiness is not to fulfill our desire but to sharpen it." Malimit kaysa hindi, ang tao ay nagnanasa sa mga bagay na hindi angkop sa kanyang dangal. Mababaw ang kaligayahan. Ang totoo, di kayang busugin ng mga bagay na makalupa ang ating puso na nilikha para sa mga bagay na makalangit.
Winika ni Hesus sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog... Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan."
Mababaw ang pamantayan ng ating mga paghahangad. Nagkukumahog ang marami na magkamal ng pera at kapangyarihan sa pag-aakalang ito ang pupuno sa hungkag nilang buhay. Di kataka-taka na ginagawa ng marami ang lahat ng paraan - pandaraya, pagnanakaw at pagsisinungaling - makamit lamang kayamanang makalupa.
Sa mga sandali ng kamatayan, saka lamang natin napapagtanto ang katotohanang ang karangyaan ng daigdig ang dagling lumilipas. "Sic transit gloria mundi."
Malalim ang paghahangad ng Diyos. Ipinahayag Niya sa Lumang Tipan: “hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon... sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog; gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis. (Amos 5: 22, 24)
"Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit." (Isaias 58: 7)
Ang pagtahak sa daan ng katwiran at kabanalan ang pupuno sa malalim na inaasam ng ating puso.
*Lunes sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|