 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: '#Forever' ni Msgr. Noel |
| 26 April 2023 |
| |
|
Walang hanggang buhay ang pangako ni Hesus sa mga nananalig sa Kanya. "Hindi ko hahayaang mawala ang mga ibinigay sa akin ng Ama," aniya sa ebanghelyo.
May isang nagtanong: hindi raw kaya nakakainip ang "walang hanggan?" Ang tumigil ka nga lamang sa bahay nang isang linggo nang walang alisan ay mababagot ka na. Gaano pa kaya ang buhay na walang hanggan? At paano yung "eternal rest..." para sa mga yumao, hindi ba napakahabang pahinga niyon?
Pero ito. Ang sabi ng isang matanda, kapag siya raw ay nagtatahi at naggagantsilyo, di siya naiinip. Hindi niya namamalayan ang paglipas ng oras sapagkat mahal niya ang kanyang ginagawa. Ganito rin sa mga magkasintahan, kahit maghapon na silang magkasama, di pa rin nauumay sa mukha ng isa't isa. Di namamalayan ang paglipas ng oras.
Sa pag-ibig, walang oras, walang hangganan; walang kanina o mamaya, kahapon o bukas, lahat ay ngayon... "Love is the only glimpse we have of eternity." Sa langit, ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan. Sa 'loob' lang ng pag-ibig, may buhay na walang umay. Sa 'labas' nito, may pag-iral pero walang saysay.
Hindi rin naman talaga kumpletong pahinga ang "eternal rest." Bakit? dahil ang pag-ibig ay isang 'trabaho' ng puso. For 'where there is love, there is no toil' (St. Augustine). Sa langit, walang pahinga ang pagmamahal ng Diyos.
Ang pagmamahal natin sa kapwa dito sa lupa ay isang sulyap ng 'forever' sa kabila.
Amen po ba tayo diyan?
*Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|