Sa Isang Salita: 'Larawan' ni Msgr. Noel
03 May 2023
 
Mahilig ang mga Pilipino sa larawan. Sa lahat ng okasyon, laging may 'photo op.' Sa mga may pagka-'senti,' ang larawan ay bumubuhay sa alaalala. Para sa lahat, ang larawan ay isang mabisang tanda: nakikita, nahihipo at nararanasan.

Sinabi sa aklat ng Genesis na ang tao ay nilikhang kalarawan ng Diyos. Bawat tao ay buhay na paalaala ng presensya ng Diyos. Dapat makita natin ang Diyos sa ating kapwa. "Gloria Dei, homo vivens."

Sa ebanghelyo ni San Juan, sinabi ni Felipe kay Hesus: "ipakita mo sa amin ang Ama at iyon ay sapat na." Ang hindi nababatid ni Felipe, nasa harapan niya mismo ang larawan ng Ama. Si Hesus ang nakikitang tanda ng hindi nakikitang Diyos. "Ako at ang Ama ay iisa."

Naging posible ngayon ang imposible noon. Nagpakita ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak. Huwag nating hanapin ang Diyos kung saang lugar, sapagkat kay Hesus, ating matutunghayan ang mukha ng Diyos.

Huwag nating sabihing nagtatago ang Diyos. Bawat tao ay larawan ng Diyos. Anumang gawin natin sa kapwa ay sa Diyos natin ginagawa.

*Mayo 3, Kapistahan ni San Felipe at Santiago

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN