 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Ligaya' ni Msgr. Noel |
| 07 May 2023 |
| |
|
Simula pa noong una, pangarap na ng tao ang makita ang Diyos. Katumbas ito ng walang kapantay na ligaya, ang pangunahing hinahangad ng ating puso.
Sa ebanghelyo, sinabi ni Felipe kay Hesus, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.”
Sa mga wagas manalig, may 'aparisyon' ang kabutihan ng Diyos. God's goodness takes on a visible form. Ang kabutihan ay hindi lang konseptong nasa isip. Ito ay nagkakaroon ng hubog at anyo sa pagsisikap nating magtayo ng lipunang nakabatay sa katarungan at pagmamahal.
Sa musical play na "Ang Huling El Bimbo," sinadya ng sumulat ng tawaging 'Joy' at 'Ligaya' ang mag-inang bida sa istorya. Ito ay upang ipahayag ang isang kabalintunaan. Ang nasabing mag-ina ay kapwa biktima ng sistematikong kahirapan, pinagkaitan ng ligaya ng lipunang walang dangal.
Hindi pala 'invisible' ang kalaban ng kabutihan. Nakikita ito at nararanasan sa pagdurusa ng mga biktima sa laylayan. Tama ang sinabi ng isang teologo: Ang pananaig ng kasamaan ay ang presensya ng 'nagtatagong' Diyos.
Hindi rin "invisible" ang pagkilos ng grasya at kabutihan. Sa buhay at gawa ni Hesus, nakita ng tao ang mukha ng Diyos. Ito ang mukha ng habag at pagdamay. Kay Hesus naging konkreto sa karanasan ng tao ang tunay na ligaya sa lupa.
Ani Hesus kay Felipe, “Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama... Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito."
Nakasalalay sa ating mga kamay kung papaano muli't muling 'magkakatawang tao' ang kabutihan. Huwag nating hayaang makubli ang presensya ng Diyos sa iba dahil sa ating pagsasawalang-kibo. Sa panahong ito, hindi maaaring ipinid ang pinto ng puso upang maranasan ang ligaya ng paglingap sa kapwa.
Sabi Santa Teresa, gugugulin ko ang aking langit sa paggawa ng kabutihan sa lupa.
*Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (A) |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|