Sa Isang Salita: 'Tatlong R' ni Msgr. Noel
14 May 2023
 
Totoo ang kasabihang 'love is an action verb.' Ang tunay na pag-ibig ay nagsasaad ng paggalaw o pagkilos - isang pagkilos patungo sa kapwa, at hindi sa sarili. Sa ebanghelyo, sinabi ni Hesus, "kung iniibig ninyo ako, tutupdin ninyo ang aking utos."

Ang pag-ibig ay hindi nagtatapos sa matinding emosyon. Dapat itong isalin sa kongkretong aksyon para sa kabutihan ng iba.

Nakikiisa ang ating parokya sa pagdiriwang ng 'Laudato Si' Week (ngayong buwan ng Mayo). Laudato Si ang pamagat ng kauna-unahang liham ensiklika tungkol sa pangangalaga ng kalikasan. Magkaugnay ang paraan ng pagtrato natin sa ating kapwa at sa inang kalikasan, sabi ni Papa Francisco sa nasabing liham.

Upang maipahayag natin ang tunay na "pag-ibig na kumikilos," kailangan natin ang: Respect, Responsibility, Relationship. Ang kakulangan ng isa sa mga ito ang sumisira sa ating ugnayan sa kapwa at sa kalikasan.

Respect. Ang kapwa ay hindi 'bagay' na ginagamit. Dapat nating kilanlin ang dangal ng bawat isa. Ang kawalan ng paggalang ang nagiging sanhi ng karahasan at pang-aapi sa kapwa. Ito rin ang ugat ng pang-aabuso sa kalikasan, na nauuwi sa polusyon at panganib sa kalusugan, tulad ng nararanasan natin ngayon.

Responsibility. Tayo ay "tagapag-ingat ng ating mga kapatid." Tulad ng Mabuting Samaritano, may pananagutan tayo sa iba, kahit sa mga 'taga-labas' o sa itinuturing na iba sa atin. Ang pagiging katiwala ng sangnilikha ay isang sagradong pananagutan natin sa harap ng Lumikha. Ang pag-ibig ay hindi bulag sa trahedyang dinaranas ng mga dukha sa lipunan. Dapat iwaksi natin ang pagsasawalang-kibo sa nagaganap na pagkasira ng kalikasan.

Relationship. Likas sa pag-ibig ang lumabas ng sarili para makipag-ugnay sa kapwa. Hindi makasarili ang pag-ibig. Hindi nito iniisip ang sariling kaluguran. Sa pamamaalam ni Hesus sa ebanghelyo, ipinahiwatig Niya na kailangan siyang umalis upang ang Espiritu Santo naman ang dumating.

Sa ugnayan (sa kapwa at kalikasan), kailangan din ang 'distancing.' Pinagyayaman nito ang ugnayan na nagsisilbing espasyo sa paglago ng pagkatao ng bawat isa. Kailangan din natin ang 'distancing' sa ating ugnayan sa kalikasan upang makita natin ito bilang kaloob na dapat linangin at pagyamanin, at hindi lang kasangkapan para sa pansariling kaluguran.

When human beings fail to find their true place in this world, they misunderstand themselves and end up acting against themselves”. [LS, 115]

*Ikaanim na Linggo ng Pagkabuhay (A)

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN