 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Butuin' ni Msgr. Noel |
| 25 June 2023 |
| |
|
Sinasabi sa agham na kapag tumitingala ka sa bituin, nagbabalik-tanaw ka sa nakaraan. Bakit? Sapagkat ang nakikita mong liwanag ay naglakbay ng milyon o bilyong taon bago marating ng sinag nito ang ating mga mata. Napakalawak ng santinakpan. Napakaliit ng ating araw at mundo: parang tuldok lamang sa maliit na bahagi ng kalawakan. Gaano pa kaya ang tao? Mortal at maiksi lang ang buhay. Ang ating pag-iral ay isang iglap lamang ang katumbas sa walang hanggan.
Pero sa kabila ng ating kaliitan, mahalaga tayo sa Diyos. Minahal Niya tayo nang higit pa sa ibang nilikha. Wika ni Hesus, "Hindi ba ipinagbibili sa halagang dalawang pera lamang ang limang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi pinababayaan ng Diyos... Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.”
Maganda ang panalangin ni San Padre Pio: "My past, O Lord, to Your Mercy; my present, to Your love; my future, to Your providence."
Ganito rin ang sidhi ng pananalig ni Sta. Teresa ng Avila na ipinahayag niya sa kanyang tula:
Let nothing disturb you, let nothing frighten you, All things pass away: God never changes.
Patience obtains all things. He who has God lacks nothing; God alone suffices.
Ani San Pablo, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, kahit kapighatian o kamatayan. Mananatili ang bigkis ng pagmamahal Niya sa kanyang mga nilikha.
Tuwing tumitingala tayo sa langit para tingnan ang mga bituin, alalahanin natin na may Diyos na ang lawak ng pag-ibig at probidensya ng Lumikha ay lampas pa sa kayang abutin ng ating paningin.
*Ikalabing dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|