 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Sugat' ni Msgr. Noel |
| 03 July 2023 |
| |
|
Nang nagpakita si Hesus kay Tomas matapos na siya'y muling nabuhay, sinabi niya: "Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri." Taglay pa ni Hesus ang mga sugat sa kanyang mga kamay. Hindi napapawi ang bakas ng kanyang sakripisyo sa Krus. Ito ang marka ng pagka-Mesiyas: ang magpakasakit para magmalasakit.
Sa aklat na "Wounded Healer," sinabi ni Henri Nouwen: sa ating kahinaan, matututo tayong makiramay. Mula sa ating pagiging sugatan, maaari tayong maging bukal ng kagalingan para sa iba. Tinatawag tayo ng Diyos mula sa lugar ng kahinaan upang maging mabisang kasangkapan ng awa at pagmamahal ng Diyos sa kapwa.
Ang ating Diyos ay Diyos ng habag at pagdamay. Iniwan Niya ang luwalhati ('doxa') ng langit at pumasok sa ating makasalanang daigdig upang tayo'y iligtas.
Ito ang pagkilos ng Diyos. Ito rin ang misyon nating mga Kristiyano. Ang misyon ay hindi lamang ang pagpunta sa ibang lugar ng daigdig, kundi ang pagpasok sa daigdig ng ating kapwa.
Inaanyayahan tayo ni Hesus na makiisa sa kanyang misyon na pasukin ang makabagong mundo at makibahagi sa pagpapanibago nito. Dalhin natin ang ebanghelyo sa ating mga gawain at pamumuhay. Sabi ng Sinodo ng mga Obispo noong 1971, "ang pagtatrabaho para sa katarungan at pagpapanibago ng lipunan ay isang essensyal na sangkap ng pagpapahayag ng ebanghelyo."
Inaanyayahan din tayo ni Hesus na pasukin ang daigdig ng mga maralita. Siyamnapung porsyento ng populasyon sa ating bansa ay namumuhay sa karalitaan. Ito ang 'tatsulok' ng di makatarungang balangkas ng lipunan. For the Church to be real, it has to be 'in' poverty. Upang maging buhay na karanasan ang Simbahan, dapat makiisang-buhay ito sa sitwasyon ng karalitaan.
Sabi ni Papa Francisco: "Mas gusto kong makita ang Simbahan na sugatan, nasasaktan at marungis dahil lumalabas ito sa mga lansangan, kaysa sa Simbahang matamlay at maysakit dahil nakakulong sa pangangapit sa kanyang sariling seguridad."
*Hulyo 3, 2023, Kapistahan ni Sto. Tomas Apostol |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|