Sa Isang Salita: 'Lihim' ni Msgr. Noel
19 July 2023
 
Literal na mababa ang pinto sa Church of the Nativity sa bayan ng Bethlehem doon sa Holy Land. Kailangang yumuko ang sinumang nais pumasok. Makahulugan ito para atin. Kailangan natin ang kababaang loob para maunawaan ang pamamaraan ng Diyos.

Ani Hesus sa ebanghelyo: "Inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata."

Wala sa taas ng pinag-aralan ang kakayahang unawain ang karunungan ng Diyos. Mananatili itong lihim sa mga may palalong puso. Lampas sa kanilang pang-unawa ang misteryo ng Diyos na naging tao. Taliwas ito sa lohiko ng mundo.

Maraming misteryo ng buhay na hindi kayang tanggapin ng katwiran, subalit kayang unawain ng pusong may pananalig.

Sa ating pagyuko sa lupa, masusulyapan natin ang langit. Nawa'y maging bukas ang ating puso upang danasin natin ang Diyos araw-araw.

*Miyerkules sa Ikalabing limang Linggo sa Karaniwang Panahon

?????

Marunong

Ayon sa aklat na "The Little Prince": hindi na maunawaan ng mga tao ngayon ang mga bagay na tunay na mahalaga. Ang ating lipunan ay mas maalam kaysa marunong. Sa pagdami ng batas, siya namang pagdami ng paglabag; sa pagtaas ng pinag-aralan, siya naman pagbaba ng moralidad; ang poder na dapat gamitin sa paglilingkod ay inaabuso at ginagawang instrumento ng panggigipit at pangbubusabos.

Mahirap lagyan ng laman ang sisidlang marami nang nakalagay. Ang labis na dunong ng tao ay malimit nauuwi sa kabaliwan.

Ang makabagong mundo ay may kakaibang anyo ng 'kabaliwan.' Narating na ng tao ang kalawakan, pero hindi ang kanyang kalooban; mayroon tayong mga instrumento para makita mula sa malayo ang iba't ibang bagay, pero nakakaligtaan nating makita ang ating kapitbahay. Bilyong dolyar ang ginugugol ng tao sa paghahanap ng bagong planeta, pero bilyong dolyar din ang ginagastos para sirain ang mundong ating tirahan.

Tunay ngang ang itinuturing na karunungan ng tao ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Wika ni Hesus, "inilihim mo, Ama, ang mga bagay na ito sa mga pantas at inihayag sa mga taong may isipang tulad ng sa bata."

*Miyerkules sa Ikalabing-limang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN