 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Epal' ni Msgr. Noel |
| 25 July 2023 |
| |
|
"To be unknown is to be unloved." Ito ang isa sa maling paniniwala ng mga tao sa ating panahon. Dahil dito, lahat ay nagnanais na maging sikat at kilala. Para sa kanila, ito ang sukatan ng pagtanggap at pagmamahal ng lipunan.
Sa ganitong kaisipan, tila ang kadakilaan ng tao at ang halaga ng kanyang ginagawa ay nakabatay sa popularidad at pagtanggap ng publiko. Umuso tuloy ang salitang 'pa-epal' na ang kahulugan ay 'mahilig pumapel,' at 'pabida.'
Subalit taliwas ito sa pamantayan ng ebanghelyo. Ang pagkilos ng Diyos ay nakakubli sa kababaang loob ng sabsaban at kalbaryo.
Sino ang pinakadakila? Sabi ni Hesus: "Ang sinumang nais maging dakila ay dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat."
Ang taong nasa posisyon ng kapangyarihan ay nasa akmang lugar para makita ang katatayuan ng mga nasa gilid ng lipunan. Higit na mabigat ang kanyang pananagutan upang dumamay sa mga nasa abang katatayuan.
Ang tunay na lingkod ay may espesyal na pagtatangi sa mga dukha at mahihina. Nakikita niya "mula sa itaas" ang malaking agwat na naghihiwalay sa mga 'mayroon' at 'wala.'
Tayong nakakabasa ng pagninilay na ito sa 'facebook' ay maituturing na nasa lugar ng pribilehiyo. Nawa'y hindi ito maging sanhi ng pagkabulag sa mga nagaganap na katiwalian sa ating paligid. Sa halip, nawa'y magpatalas ito ng ating panimbang upang bigyang-prioridad ang pangangailangan ng mga nakakaligtaan sa lipunan.
*Hulyo 25, 2023, Kapistahan ni Santiago Apostol |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|