 |
|
|
Sa Isang Salita: 'Kasamahan' ni Msgr. Noel |
18 September 2023 |
|
|
Malalim pala ang kahulugan ng ipinapahayag natin tuwing Linggo: "sumasampalataya ako sa kasamahan ng mga banal..." Ibig sabihin nito, tayong bumubuo ng simbahan ay pinag-uugnay ng bigkis ng pananampalataya na hindi kayang tunawin kahit ng kamatayan.
Katumbas nito ang salitang "communion" (sa wikang Griego ay koinonia), na ang kahulugan ay 'kaisahan,' o 'bahaginan.' May kakayahan ang mga kaanib ng Simbahan na nagbabahaginan ng mga kaloob - materyal at ispiritwal, dahil sa buklod ng pag-ibig.
Ito ang dahilan kung bakit tayo ang nagpapadasal. Humihiling ng panalangin sa kapwa Kristiyano sa lupa at sa mga banal sa langit. Nagkakatulungan ang lahat ng kaanib ng Katawan ni Kristo (Simbahan) sa kanilang mga pangangailangan.
Sa ebanghelyo, ipinamanhik kay Hesus ng isang senturyon ang kanyang aliping may karamdaman. Dumaloy ang biyaya ng paghilom dahil sa dasal ng senturyon. Mabisa ang 'prayer of intercession.' Higit na may kapangyarihan ang ating panalangin para sa kabutihan ng iba kaysa sa pansarili lamang.
Kung magdadasalan tayo para sa isa't isa, dadaloy sa lahat ng bahagi ng Simbahan ang pagpapala ng langit.
*Lunes sa Ikadalawampu't apat na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|