 |
|
|
Sa Isang Salita: 'Karamay' ni Msgr. Noel |
19 September 2023 |
|
|
Ang Diyos ay hindi nagmamasid sa tao buhat sa malayo. Siya ay karamay natin sa lahat ng nagaganap sa ating buhay. Malalim ang kanyang pakikisangkot sa ating katatayuan sapagkat siya'y naging taong tulad natin.
Sa ebanghelyo, nang makasalubong ni Hesus ang libing ng kaisa-isang anak ng babaeng balo sa Nain, ramdam niya ang hinagpis ng inang namatyan. Doble ang dagok na hatid ng kamatayan. Hindi lang nawalan ng anak ang babaeng balo; nawalan din siya ng kasamang susuporta sa kanyang pagtanda.
Unawa ito ni Hesus. Pumasok siya sa katatayuan ng inang nagdadalamhati. Mapanligtas ang Kanyang pagdamay. Hindi lang bumangon ang binata mula sa kamatayan; hinango rin Niya ang kanyang ina mula sa dilim ng kawalang pag-asa.
Hindi kalabisang sabihin na ang buong ministeryo ng Simbahan ay ministeryo ng pakikiramay. Ang ating misyon ay pumasok sa lugar ng dalamhati at paghihirap upang maging mapanligtas na presensya ng Diyos sa ating panahon.
*Martes sa Ikadalawampu't apat na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|