Sa Isang Salita: 'Anghel' ni Msgr. Noel
02 October 2023
 
Anong reaksyon mo kapag sinabihan ka ng iyong kaibigan ng "Isa kang anghel?" Di ba nakakatuwa at nakakataba ng puso? Dahil ang ibig sabihin nito: "isa kang sugo ng Diyos. Ikaw ang tugon sa kanyang dasal."

Ang salitang 'anghel' ay tumutukoy hindi sa kalikasan kundi sa gawain. Ayon sa teolohiya, maraming espiritu ang nasa piling ng Diyos sa langit. At tinatawag lang na anghel ang isang espiritu kapag siya ay sinugo para maghatid ng mensahe sa tao.

Ang mga anghel ay tanda at patunay ng probidensya at paggabay ng Diyos sa tao. Sa panahong ito na halos wala nang pagpapahalaga ang tao sa mga bagay na espiritwal, ang mga anghel ay nagpapaalaala na may higit pa sa buhay kaysa ibinibigay ng mundo. Kulang at kapos ang kahulugan ng makataong pag-iral kung walang dimensyong espiritwal.

Ang mga anghel ay gabay at katulong natin sa ating paglalakbay sa buhay na ito tungo sa langit, ang tunay nating tahanan.

Mga anghel na tagatanod, ipanalangin nyo kami.

*Oktubre 2, Kapistahan ng mga Anghel na Tagatanod

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN