 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Babalâ' ni Msgr. Noel |
| 08 October 2023 |
| |
|
"Nang makita ng mga kasamá ang anak ng may-ari ng ubasan, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin."
Hindi naging maganda ang 'ending' ng Talinghaga. Sa kabila ng tiwala at kagandahang loob ng may-ari ng ubasan, kawalang utang na loob at kasakiman ang iginanti ng kanyang mga kasamá.
May mga pagkakataong ganito rin ang nagiging tugon natin sa Diyos. Nakakalimutan natin na siya ang May-ari at tayo'y katiwala lamang. Ngayong ipinagdiriwang ng ating Diocesis ang Year of Social Action, Ecology and Stewardship, ipinapaalaala sa atin kung sino tayo at paano tayo tumutugon bilang 'pinagkatiwalaan' ng May-ari ng ating buhay.
* Pagpapala: Hindi mabilang ang mga kaloob na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Sa panlipunang aral ng Simbahan, "ang pagpapalang bigay ng Diyos sa isa, ay pagpapalang bigay Niya sa lahat." Samakatuwid, kapag nagbabahagi tayo ng mga kaloob sa iba, ibinibigay lamang natin ang talagang nauukol sa kanila.
Dahil ang mundo ay ipinagkaloob sa lahat, hindi maaring gamitin ito ng iilang tao para sa pansariling kapakinabangan. Ang yaman ng daigdig ay regalo ng Diyos sa lahat. "Everyone has a right to a fair share in the world's resources."
* Pananagutan. Sa bawat pagpapalang tinanggap, may pananagutang katapat. Tungkulin nating linangin at pagbungahin ang ating mga kaloob. "Ang binigyan ng marami ay hihingan ng marami." Lahat tayo ay mananagot sa Diyos kung paano natin ginamit nang mahusay ang kanyang mga pagpapala.
Tulad mga kasamá sa talinghaga, hindi tayo naging mabuting katiwala. Itinuring nating pansarili lang ang mga pagpapala. Naging makasarili sa paggamit ng yaman. Inabuso natin ang kalikasan. Hindi tayo naging responsable sa paggamit ng mga bagay sa daigdig.
* Parusa? (o Gantimpala?) Hindi binabawi ng Diyos ang kaloob niyang pagpapala. Kusa itong nawawala dahil tayo ang nagpapabaya.
Hindi nagpaparusa ang Diyos. Taliwas ito sa kanyang kalikasan bilang dalisay na Pag-ibig. Ang 'parusa' ay bunga ng radikal na pagtanggi sa kabutihan. Totoo ang sinabi ng isang may-akda: "Hell is the suffering of being unable to love” (F. Dostoevsky). Sa pagtanggi sa alok ng Diyos, tao ang nagdadala ng kahatulan sa ating sarili.
Nawa'y magsilbing babalâ sa atin ang aral ng Talinghaga: Kahatulan o parusa ang dala ng kasakiman at pagpapabaya. Samantala, may gantimpalang nakalaan sa mabuting katiwala.
*Ikadalawampu't pitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|