Sa Isang Salita: 'Posible' ni Msgr. Noel
15 October 2023
 
Madali bang tumanggi sa imbitasyon? Paano kung ito ay kasal ng isang malapit na kamag-anak o kaibigan? At paano pa kaya kung ito ay isang 'royal wedding?' Siyempre, kapag kasal ng mga sikat, lahat ay magkukumahog mapasama sa guest list. Isa itong karangalan at pribilehiyo.

Pero iba ang nangyari sa talinghaga sa ebanghelyo. Tinanggihan ng mga inanyayahan ang paanyaya ng hari - hindi dahil sa ayaw nila, kundi dahil may iba silang 'priority.'

Posible palang tanggihan ang alok ng Diyos ng pagliligtas, hindi dahil ayaw natin sa kanya, kundi dahil may iba tayong itinuturing na mahalaga. Bibihira ang pagkakataon na inaayawan ng tao ang Diyos. Pero malimit ay kinakaligtaan natin Siya (at ang kanyang utos) dahil may iba tayong pagpapahalaga.

Tama ang sinabi ni Michael Schmaus: 'evil man is not cast into hell, rather he himself creates it.' Ang impiyerno ay pasya laban sa pag-ibig. Sa mga mumunting desisyon, nasasanay ang ating puso na maghangad ang mga bagay na nilikha hanggang sa malimutan natin ang Diyos na Lumikha. Sa kamatayan, ang pasyang ito ay nananatili.

Bagamat posibleng mapasya laban sa Diyos, ang alok ng pag-ibig Niya ay tunay. Nagaganap ito araw-araw. Kailangang masanay ang ating puso na piliin ang katwiran at kabutihan.

Hindi lahat ng nakapasok sa bulwagan ay siguradong nakadulog sa piging. May ilang hindi naging marapat. "Hindi lahat ng nasa Simbahan ay sumasa-Diyos, at hindi lahat ng sumasa-Diyos ay nasa Simbahan," ani San Augustin. Ang karangalan at panlabas na anyo at kasuotan ay hindi garantiya ng kabanalan.

Sa talinghaga, bakit kailangan ang "wastong kasuotan"? Hindi ito tumutukoy sa panlabas na kasuotan. Ang damit pangkasal ay sagisag ng kasanayan (habit) sa pagpanig sa kabutihan at katarungan. Ang kahulugan ng katagang Latin na 'habitus' - kung saan nanggaling ang salitang "abito" - ay ang bagay na lagi nating dala o suot. Ang lagi nating ginagawa ay nagiging gawi o habit. Hinuhubog nito ang ating karakter. Ang ating gawi ay nagiging 'tayo' - binubuo ang ating pagkatao.

Sanayin natin ang ating puso na suotin ang damit ng kabutihan upang maging marapat sa walang hanggang piging sa kalangitan.

*Huwebes sa Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN