 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Tatak' ni Msgr. Noel |
| 22 October 2023 |
| |
|
Tinatatakan ang hayop para malaman kung sino ang may-ari. Tinatatakan ang sulat para malaman kung sino ang may akda (author). Tinatatakan ang 'branded shirts' para malaman kung saan ito nagmula ('orig'). Mag-ingat sa mga mahilig magpa-tattoo! Kung 'marka demonyo' ang nasa iyong hita o braso, baka may iba nang nagmamay-ari sa iyo.
Nang tanungin si Hesus ng mga pariseo kung dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (emperador), ibinalik sa kanila ni Hesus, "Kaninong larawan ang nakalagay sa salaping pambuwis." Ang sagot ng mga pariseo: "Sa Cesar po." At ipinahayag ni Hesus ang kanyang hatol: "Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos."
May nakatagong mensahe sa likod ng 'tatak.' Dahil ang pera ay may nakalagay na imahen ng Cesar, ito ay pag-aari ng Estado, at may tungkulin ang mga mamamayan na magbuwis dito. Subalit dahil ang bawat nilikha ay may tatak ng imahen ng Lumikha, ang Diyos ay may-akda, may-ari at pinagmulan ng lahat. Maging ang Cesar (emperador) ay saklaw ng kapangyarihan ng Diyos.
"The biblical text is not about separation between religion and the secular sphere; it is about integration, that is, restoring all things to their rightful owner, God."
Bawat binyagan ay may tatak ni Kristo. May obligasyon tayo sa May-ari sa atin. May pananagutan tayo sa kanya at mananagot tayo sa lahat ng ating ginawa.
Ngayong Linggo ng Misyon, ipinapaalaala rin na taglay natin ang tatak misyonero. Tungkulin nating ipahayag ang ebanghelyo sa lipunan upang dalhin ang lahat ng bagay sa ilalim ng paghahari ng Diyos .
*Martes sa Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|