 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Fake' ni Msgr. Noel |
| 05 November 2023 |
| |
|
Ayaw natin sa mga taong hindi tapat. Tinatawag natin silang 'plastic,' 'fake,' or 'doble-kara'.
Ang pinagmulan ng 'hipokrito' ay salitang Griego, "hypokrites," na ang kahulugan ay 'aktor' o 'stage player.' Ang aktor ay gumaganap sa papel na hindi sumasalamin sa kanyang tunay na pagkatao. Umaarte lang siya ayon sa hinihingi ng script.
Sa ebanghelyo, tinawag ni Kristo ang mga eskriba at pariseo na mapagpaimbabaw (hipokrito). Ang kanilang pagsunod sa batas ay pakitang tao lamang. Hindi bukal sa loob. Superficial. Ang kanilang pagsamba ay hindi tunay na ekspresyon ng kanilang niloloob.
Sa iba't ibang paraan, nagiging tulad tayo ng mga pariseo. Iba ang ating sinasabi sa ating niloloob. Magkahiwalay ang inuusal natin sa dasal kaysa sa ating inaasal.
Anu-anong katangian dapat mayroon ang ating pagsamba?
1. Interior (Isinasaloob). Higit pa sa seremonyas at batas ang pagiging Katoliko. Hindi pahiyas na pang-display lamang ang pagpapahayag natin ng pananampalataya. Ang ating relihiyon ay relihiyon ng puso. At ang sabi ni Henri Nouwen, "our heart is the only place where we are most real." Hindi pwedeng magkunwari ang puso. Dito, wala tayong maitatago. Hindi anyo kundi puso ang tinitingnan ng Diyos sa tao. The greatest thing that God can do to man happens 'within'.
b) Meaningful (Makahulugan): Hindi puro porma, kundi dapat may substansya ang ating pananampalataya. Magkakaroon ito ng kahulugan kung masasalamin sa buhay ang ating pinananaligan. "He who prays well lives well."
Ang malaking agwat ng ating pananalig sa buhay ang pinag-uugatan ng kasalanan: yaman na di pinaghirapan, kasayahan na walang pananagutan; pag-unlad na walang paglingap sa nangangailangan; pulitika na walang moralidad; negosyo na walang kosensya; pagsamba na walang sakripisyo (halaw kay Gandhi).
Nawa'y mapagsumikapan nating maging banal at kalugud-lugod sa Diyos hindi lang sa kilos at anyo, kundi sa kalooban at puso.
*Ikatatlumpu't isang Linggo sa Karaniwang Panahon (A) |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|